HATAWAN
ni Ed de Leon
NATAWAG ang aming pansin sa sinabi ng Bucor director general Usec Gregorio Catapang na hindi raw nila alam kung saan ilalagay si Cedric Lee at dalawa pang akusado dahil hindi na sila makatatanggap ng mga bilanggo sa New Bilibid Prisons. Nabanggit pa ni Catapang na iyon nga raw isang personalidad, ang actor na si Ricardo Cepeda na dating asawa ni Snooky at ngayon ay asawa na rin ng isa pang aktres si Marina Benipayo, ay kailangan nga raw na ikulong na sa provincial jail ng Cagayan?
“Dahil mas maganda ang kalagayan nila roon 12 lang sila sa isang selda at may bentilador pa. Rito ang mga preso ay halinhinan na sa pagtulog dahil wala nang mahigaan dahil sa sikip ng mga selda,” sabi ni Catapang.
Pero bakit naman sa Cagayan pa ikinulong si Ricardo? Malaking pahirap iyon sa kanyang pamilya na kailangan ding dalawin siya. Kung natatandaan ninyo si Ricardo ay hinuli sa Caloocan dahil sa warrant na inilabas laban sa kanya dahil sa multiple cases of estafa na isinampa laban sa kanya ng mga biktima ng isang investment scam. Dahil mahigit sa tatlong kaso iyon, tinatawag iyang syndicated estafa, na katumbas na rin ng economic sabotage. Walang piyansa sa ganyang kaso kaya simula noon ay nanatili na siya sa kulungan. Sinasabi naman ni Ricardo na mali ang bintang sa kanya dahil hindi siya bahagi ng kompanyang gumawa ng scam. Siya ay isang celebrity endorser lamang, parang commercial model ng nasabing kompanya hindi siya bahagi o empleado man lang niyon. Pero iyan ay isang bagay na kailangan niyang mapatunayan sa korte.
PInakamadali sana kung siya ay tatayong state witness, na possible naman kung masasabi niyang siya ay may maliit na bahagi lamang o sadyang walang kinalaman sa naganap na krimen. Pero ang problema hindi pa niya naituturo kung sino ang mga may kinalaman sa scam kaya naiipit siya.
Hindi rin namin alam kung bakit ang kaso ay dinidinig sa Tuguegarao CIty kaya siya nalagay sa kulungan sa Cagayan.
May mga kaibigan siyang tumutulong sa kanya, naghahanap sila ng pondo, o humihingi ng tulong para sa kailangang pondo sa kaso ni Ricardo, na sa kanilang estimate mahigit na P3-M ang kailangan sa kaso lamang puwera ang pang piyansa kung sakali ngang papayagan siya ng korte na makapaglagak ng piyansa. Tumagal naman ang kaso dahil sa dami raw ng activity sa korte.
Talagang kawawa ang sitwasyon ni Ricardo pero hindi madaling makahingi ng mahigit na P3-M kailangan para tustusan ang paglaban niya sa kaso. Ewan kung ano nga ba ang magagawang tulong sa kanya.
Pero mabuti na rin dahil mas maganda raw ang kalagayan niya sa Cagayan Provincial Jail kaysa kung nadala siya sa NBP o nanatili sa City Jail ng Caloocan.