SI Deniece Cornejo tahimik na sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong. Mas maayos naman ang kalagayan niya roon kaysa kung mananatili siya sa City Jail. Pero sina Cedric Lee, Simeon Raz at iyong isa pa, hindi pa nakasisiguro kung ano ang kahahantungan nila. Hindi na makatatanggap ng bagong inmate ang New BIlibid Prisons dahil sa dami na ng nakakulong doon. Ginawa nga nilang example ang actor na si Ricardo Cepeda na kailangang dalhin na sa panlalawigang piitan ng Cagayan. Malayo sa kanyang pamilya pero mas maayos ang kalagayan niya roon dahil may tulugan sila at may bentilador sa loob ng kulungan. Sa New Bilibid Prisons, hali-halinhinan na raw ang pagtulog, maliban na lang kung makatutulog ka ng nakatayo.
Kung ano ang kahihinatnan nila sa loob ng susunod na 40 taon, hindi natin alam. Iyong hatol sa kanilang reclusion perpetua ay hindi naman nangangahulugang hihintayin na lang na mamatay sila bago makalabas, karaniwan sa reclusion perpetua ay pinalalalabas na rin pagkatapos ng 40 taon. Kung sakali at maganda naman ang ipakikita nila sa loob, mas mabilis pa silang makalalabas.
Pero hindi pa rin naman tiyak iyan eh kasi iaapela pa nila ang naging desisyon ng RTC ng Taguig laban sa kanila. Oras na sumampa na ang appeal maaari silang humingi ng pagkakataong makapag-piyansang muli sa mas mataas na hukuman. Hintayin na lang natin ang kasunod na development.