HATAWAN
ni Ed de Leon
SA dami ng nagbibigay ng entertainment awards ngayon na hindi mo na malaman kung ano ang batayan hindi kami magtataka kung isang araw ay magkaroon na rin ng grupo ang mga nagtitinda ng halamang gamot at kandilang itim na hugis tao sa labas ng simbahan ng Quiapo, at isama mo na ang mga manghuhula roon, na magbibigay na rin ng awards.
Easy money eh, magbibigay sila ng awards sa mga artistang siguradong pupunta para tanggapin ang kanilang award. Magbebenta sila ngayon ng tickets na tiyak bibilhin naman ng mga gustong makakita ng artista. Isipin ninyo mayroon pa ngang ikinararangal nilang “aktres” na hanggang sa Pangasinan dumadayo para tanggapin ang kanyang award na ginawa ng PTA sa isang elementary school doon. Mayroon namang manager ng mga starlet na nagbibigay din ng performers sa kanila para paningit sa awards. Eh alam naman ninyo sa probinsiya basta iyong tao maputi may kaunting hitsura at sinabing artista tinitilian na.
Mayroon nga silang madalas pasayawin sa mga event, iyon at iyon din naman ang alam na sayaw. Nakilala lang dahil sa social media at wala pa namang nagagawang projects kundi mga gay series na inilalabas lang ng libre sa internet at mga scandal na ipinagbibili sa internet din pero sa probinsiya raw ang paniwala ay isa na siyang sikat na artista.
Ewan nga ba kung bakit ganyan na tayo ngayon?