HATAWAN
ni Ed de Leon
SABI nga huli man at magaling naihahabol din. Hindi namin halos namamalayan naka-40 years na pala bilang actor si Richard Gomez. Natatandaan namin, una naming nakita iyang si Goma, hindi pa siya artista sa isang event sa Manila Hotel kasama si Douglas Quijano. May dala siyang camera at ang sabi ni Dougs, “nagsasanay siya sa photography.”
Noong panahong iyon kami ay isang photography hobbyist na rin, kumukuha kami ng litrato na ginagamit namin sa aming mga isinusulat, pero more of a hobby iyon kaysa professional photography.
Nagkakuwentuhan kami saglit ni Goma, nag-compare kami ng aming opinion sa cameras. Ang camera niya ay isang Nikon, iyon ang high end camera noong araw at ginagamit ng maraming professionals. Kami naman noon ay gumagamit ng Olympus lines dahil magaan ang body ng camera at maraming mga available lens kaya gusto namin iyon.
Pero nabiro namin si Dougs, hindi magiging photog iyan, siya ang kukunan ng mga photog pogi eh.
Hindi nga nagtagal naging artista na siya. Gumawa pala muna siya ng isang commercial sa isang toothpaste brand eh si Mother Lily Monteverde mahilig magtitingin sa commericial ng toothpaste brand na iyon. Hindi ba roon din niya nakuha si Gabby Concepcion? Tapos si Goma nga ay isinama sa pelikula ni Maricel Soriano na naging big hit naman, at siyempre naging star agad ito. Pero sumikat nang husto si Goma noong maitambal siya kay Snooky Serna sa Blusang Itim.
Kung nagkikita kami ni Goma ang madalas naming usapan noon ay camera at photography, pareho kasi naming hilig. Kami rin naman noon, marami ng ginagawang experimentations sa photography at sumasali na sa mga contest. Natatandaan namin mayroon pang isang picture na kuha namin na hiningi ni Goma, dahil nagustuhan niya.
Pero siguro nga dumalas ang kuwentuhan namin noong maging syota na niya si Dawn Zulueta na kaibigan naman namin talaga from the start of her career.
Nag-split na sila ni Dawn pero kung nagkikita kami ni Goma magkaibigan pa rin kami. Ano ba naman kasi ang pakialam namin sa naging split nila?
Ang magandang kay Goma naging mayor na, congressman na ngayon pero hindi pa rin nagbago ng ugali. Ok pa rin siya hanggang ngayon, at ok naman ang record niya bilang isang public official. Gaya rin ni VIlma Santos, itinaas ni Goma ang standards ng isang artistang pumasok sa public service. Hindi kasi siya nagpa-pogi lang sa puwesto, may ginawa siya para sa bayan.
Ngayon 40 years na ang public life ni Goma, at sa palagay namin magtatagal pa iyan. Posibleng maging senador si Goma, posible ring maging presidente at baka siya ang unang artistang presidente na makakompleto naman ng term. Noon kasing araw, halos sure win na si Rogelio dela Rosa na isang senador na tumakbong presidente pero pinagbigyan si Diosdado Macapagal at umurong. Si Eraphindi naman nakakompleto ng term dahil nayari siya ng mga dilawan. Susunod sana si FPJ, pero nayari naman sa eleksiyon. Baka sakali si Goma, at tiyak maging presidente man, hindi magbabago ang ugali niyan.