FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
PANAHON na bang bitiwan ni Vice President Sara Duterte-Carpio ang kanyang posisyon bilang Education Secretary?
Ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), sa titulong “MISEDUCATION: The Failed System of Philippine Education,” ay naglabas kamakailan ng report na naglalarawan sa aktuwal na kalagayan ng pangunahing edukasyon sa bansa sa ngayon.
Para sa akin, ang pinakaprominenteng kabiguan na namamayagpag sa nakalipas na dalawang taon ng kanyang pamumuno ay ang kakulangan ng textbooks. Nanlumo si Senator Sherwin T. Gatchalian kung paanong napipilitan ang mga estudyanteng Filipino na magsalitan sa paggamit ng mga libro at sa direktang epekto nito sa pangungulelat ng ating mga mag-aaral sa mga pandaigdigang assessments.
Alam naman marahil ni VP Sara na kasunod ng kahiya-hiyang pagsusuri sa performance ng mga estudyanteng Filipino sa Southeast Asia Primary Learning Metrics noong 2019 — sa panahong ang kanyang ama ang presidente ng bansa — walo sa 100 mag-aaral sa Grade 5 ang nagsasalitan sa paggamit ng Language at Mathematics textbooks, na nagresulta sa napakababang iskor nila sa pagbabasa, pagsusulat, at matematika.
Inasahan ng bansa na nang maitalaga siya sa kagawaran ay pursigido niya itong tututukan sa ilalim ng kanyang pamumuno — hindi ang pangangampanya para sa pagbabalik ng civilian military training, na hiwalay na isyu na puwedeng talakayin sa ibang araw.
Imagine: Ang kakapusan sa mga libro ay problema lang noon sa mga probinsiya, pero talamak na rin ngayon sa pusod ng kabisera ng ating bansa. Maging sa aming lugar sa Quezon City, ang isa sa pinakamalalaking pampublikong paaralang elementarya at high schools ay hirap sa kakulangan ng mahahalagang textbooks.
Ang nakadedesmaya, ang suliraning ito ay hindi dahil sa kakapusan ng pondo kundi bunsod ng dispalinghadong proseso sa procurement na nagsimula sa administrasyong Duterte at naging misyon dapat ni Inday Sara na maiwasto niya.
Matatandaang ibinunyag noon ng whistleblowers ang malawakang korupsiyon sa loob ng Department of Education (DepEd), partikular na sa transaksiyon sa mga pangunahing nag-iimprenta ng libro. Tatlong malalaking pangalan sa industriya, ngayon ay pawang banned na sa bidding, ang nakipagsabwatan noon sa mga opisyal ng DepEd, na nagresulta sa pagkakasama nila sa blacklist at hindi pagbabayad ng procurement. Kung naging maayos lang sana ang kasunduang iyon.
Gayunman, nag-aalangang makibahagi ang maliliit na nag-iimprenta, nalulula sila sa santambak na kakailanganing iimprenta na baka hindi nila kayanin, at sa panganib na maideklarang ilegal ang kanilang pakikipagtransaksiyon sa kagawaran na posibleng mauwi sa hindi pagbabayad sa kanila.
Nakagugulat ang natuklasan ng EDCOM II na simula nang ipatupad ang K-to-12 program noong 2013, tanging 27 sa 90 required textbook titles ang nabili ng DepEd. Sa kabila ng malaking alokasyon sa budget na umaabot sa P12.6 bilyon, nasa 35% lamang ng pondong ito ang nailabas, at kakapiranggot lang nito ang ginastos para sa mga libro.
Dalawang taon na sa DepEd si VP Sara, pero nananatiling pangako ang mga target ng kagawaran habang nagsusumigaw ang miserableng kabiguan. Nangako siya ng 80% textbook delivery para sa mga importanteng grade levels pagsapit ng Hulyo ng taong ito, pero ibang-iba ang nangyayaring realidad.
Sa gitna ng lumalalang mismanagement at kapabayaan, dapat nating harapin ang isang mahalagang katanungan: Dapat pa bang magpatuloy sa puwesto si VP Sara bilang Education chief, o bigyan ang ating mga anak — na matagal nang itinuturing na ating kinabukasan at pag-asa ng bayan — ng mas karapat-dapat na serbisyong para sa kanila?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).