HATAWAN
ni Ed de Leon
TAHIMIK na tahimik sa loob ng theater ng bagong auditorium ng UST na ipinalabas ang restored version ng pelikulang Anak noong Lunes. Hindi nila inaaasahan ang isang malaking crowd na manonood dahil nakasabay iyon ng isang tranport strike bukod pa nga sa katotohanang napakainit ng panahon at halos umabot sa 38 degrees sa labas. Sapat iyon para ma-heat stroke ang isang tao. Nauna roon, may isa pang pelikulang bahagi rin ng CCP cinema Icons na ipinalabas sa UST pero hindi naman masyadong marami ang nanood.
Pero sa Anak, punompuno nga ang theater hanggang sa balcony at may mga nakaupo na sa mga aisle sa lapag.
Ganoon katahimik sa buong theater habang ipinalalabas ang pelikula hanggang sa dumating ang eksena ng confrontation nina Ate Vi (Vilma Santos at Claudine Barretto). Tahimik ang lahat pero nang matapos ang eksena ay umugong ang napakalakas na palakpakan at nang lumingon kami sa paligid, lahat ng mga nanonood ay nakatayo na. Binigyan nila ng standing ovation ang pelikula na tumagal din ng ilang minuto. Natigil nga lamang dahil siguro naisip din nila na baka makalampas ang susunod na magandang eksena. Marami pang palakpakan ang sumunod, lalo na sa mga eksenang nagkasundo na ang mag-ina, tanda na naniniwala rin ang audience na ganoon dapat ang mangyari.
Pagdatng sa final scene, na makikita si Ate Vi na lumalakad sa gitna ng napakaraming mga tao sa Hong Kong, umugong na naman ang malakas na palakpakan, at muling nagkaroon ng standing ovation na mas mahaba pa sa nauna. Ang malakas na palakpakang iyon ay nagbigay sigla kay Ate Vi, at siguro naman sa kahit na sinong artista. Noong pumasok siya noong una bagamat pinipilit niyang maging masigla ay halata mong may nararamdaman siyang hindi maganda pero pagkatapos ng pelikula at marinig niya ang malalakas na palakpakan, parang nawalang lahat ng masamang pakiaramdam niya. At kahit na nga pinuputol sana nila para mas mapaikli ang talk back dahil alam nilang kailangan nga ni Ate Vi ang pahinga, eh mismong ito naman ang nag-entertain ng mas marami pang tanong at siya pa mismo ang nag-entertain na makipag-picture taking sa faculty, sa mga opisyal ng unibersidad, mga opisyal ng CCP at ang mga estudyanteng nanood. Na naging napakatagal dahil sa dami ng mga may dalang cameras.
Iyong film screening at talkback na inaasahang matapos ng 5:00 p.m., inabot na ng gabi, kami nga nakauwi, 9:00 p.m.. Dahil sa hindi matapos na kuwentuhan, dahil kami man ay nabigla sa napakainit na pagtanggap ng mga kabataan sa pelikula ni Ate Vi. Sinasabi nga ng National Artist na si Ricky Lee siguro hindi naman ganyan ang kalalabasan ng pelikulang iyan kundi si Vilma ang artista nila.
Tama rin naman si Ate Vi sa pagsasabing matagal siyang naging isang public servant. Bilang isang public servant, nakuha na niya ang pinakamataas na award na maaaring ibigay sa isang lingkod bayan pero napatutunayan niya sa kanyang sarili na more than a public servant ay isa pa ring aktres. In fact, sinasabi nga niya na ang kanyang political achievements ay nagsimula dahil siya ay isang aktres.