Monday , December 23 2024
Acuzar mapang-asar KALBARYO NG MARALITA ITINANGHAL SA NHA, DHSUG, PANAGHOY IWINASIWAS NG GRUPONG URBAN POOR

Acuzar mapang-asar  
KALBARYO NG MARALITA ITINANGHAL SA NHA, DHSUG, PANAGHOY IWINASIWAS NG GRUPONG URBAN POOR

MAHIGIT 300 informal settler families (ISFs) at civil society organizations (CSOs) ang nagtanghal ng Kalbaryo ng mga Maralita 2024, isang tradisyon ng mga maralitang tagalungsod tuwing Semana Santa upang  ilarawan ang pasyon, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesukristo na anila’y tulad ng matagal nang pagtitiis ng mga maralitang tagalungsod na “madalas ay ipinagwawalang bahala at biktima ng kawalang-katarungan” at ang kanilang walang humpay na pakikibaka para sa paglaya sa kahirapan. 

Sa temang “Ang Kalbaryo ng Maralita sa ilalim ng Pabahay ng Pamahalaan”  binibigyang-diin ang kawalan ng kakayahan at pagkabigo ng mga ahensiya ng gobyerno na pakinggan ang tinig ng mga maralita para sa makatao at abot-kayang pabahay.

Sa pamamagitan ng mga pagtatanghal sa kalye at simbolikong aksiyon, ipinakita ng mga kalahok ang kakulangan ng programa sa pabahay ng pamahalaan; nagmartsa sila mula QC City Hall patungong National Housing Authority (NHA) para magdaos ng maikling programa at naglagay ng “korona ng mga tinik” sa tarangkahan ng ahensiya bilang simbolo ng matinding pagtutol sa renewal ng charter nito na magtatapos sa 31 Hulyo 2025.

“Tutol kami sa pagpapalawig ng NHA charter dahil sa pagpapabaya nito sa responsibilidad na tiyakin ang maayos, sapat, at ligtas na pabahay para sa mahihirap.  Karamihan sa mga relocation site ay nakakaranas ng pagbaha, paglubog ng mga kabahayan sa panahon ng malakas na pag-ulan at bagyo, walang pangunahing serbisyo at malayo sa trabaho, paaralan at ospital,” sabi ni Gemma Quintero, Presidente ng Community organization ng San Jose Del Monte Heights Muzon, Bulacan.

Sinabi ni Ms. Luz Malibiran, Executive Director ng Community Organizers Multiversity (COM), “Ito ay isang kabalintunaan na habang kinokombinsi ng NHA ang ating mga mambabatas na pahabain ang corporate life ng NHA sa mga pagdinig sa House of Representative at Senado, mayroong malawakang pagpapalabas ng NHA notice of cancellations sa mga pamilyang hindi na kayang magbayad ng amortization sa mga relocation sites, ito ay pagpapakita na ang ahensiya ay bulag sa kalagayan ng mga pamilyang maralita at hindi makapag-garantiya ng seguridad sa pabahay para sa libo-libong mahihirap na pamilyang Filipino.”

Ang mga kalahok na kinabibilangan ng mga impormal na manggagawa tulad ng magbabawang, padyak, construction workers, magbabalot, street sweepers, at mangangalakal ay tumungo sa Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa housing flagship program ng pamahalaan na “Pambansang Pabahay para sa Ang Pilipino (4PH).

Anila, bilang pinakamahihirap ay wala silang kakayahan na bayaran ang programang pabahay na binubuo ng matataas na gusali na hindi angkop sa pamumuhay at kultura ng mga maralitang tagalungsod. 

Sinabi ni Jonjon Elago, Presidente ng Ugnayang Lakas ng mga Asosasyon at Pederasyon na Kumikilos sa Usapin ng mga Maralita sa NCR at Rizal (ULAP NCR-Rizal), “Para sa aming mga umaasa sa arawang  kita sa pagtitinda sa bangketa, pagiging kargador,  pagiging tricycle driver, iba pang impormal na trabaho, ang programang pabahay na iniaalok ng gobyerno ay hindi kakayanin ng mga maralita. Umaasa kami na kilalanin ng gobyerno ang aming kinahaharap na kahirapan at maging handa na ipatupad ang iba pang solusyon sa pabahay tulad ng People’s Plan, Proclamation, Community Mortgage Plan (CMP), Relocation Site Improvement at Community Upgrading na abot-kaya naming at naaayon sa aming kultura at paraan ng pamumuhay.”

Iginiit ni Ms. Alice Murphy, Executive Director ng Urban Poor Associates (UPA), “Dapat kilalanin ng pamahalaan na ang mga maralitang tagalungsod ay may malaking potensiyal na mag-ambag sa ating lipunan, kung kinikilala lamang nila ang kanilang karapatan sa lungsod kung saan sila binibigyan ng subsidyong pabahay ayon sa kanilang pangangailangan, suporta sa ekonomiya, pag-access sa pampublikong espasyo at pakikilahok sa pamamahala, mayroon silang kapasidad na iangat ang kanilang buhay at maging isang makabuluhang puwersa sa pagkamit ng pag-unlad ating ng bansa.”

Inulit ng grupo ang mga sumusunod na kahilingan na tutugon sa mga isyung kinakaharap ng maralitang lungsod gaya ng  tukuyin, ipatupad at suportahan ang mga proyektong palupa at pabahay na pinamumunuan ng komunidad, na marami rito ay itinaguyod ng mga organisasyong maralita sa lungsod sa loob ng maraming dekada; nakabinbing proklamasyon/paggagawad ng lote at mga lupaing ipoproklama; mga nakabinbing people’s plan project ng mga tao, gaya ng on-site development/community upgrading; at Community Mortgage Program (CMP).

Ikalawa, itigil ang cancellation of awards sa mga resettlement sites at magsagawa ng mga kinakailangang pagkukumpuni.  Ipamahagi ang mga bahay sa mga resettlement site na naitayo na.  Ang hirap na dinaranas ng mga relocatees ay katumbas ng halaga ng pabahay

Ikatlo, walang mga aktibidad sa demolisyon hangga’t walang kasunduan sa pagitan ng mga residente at ng gobyerno tungkol sa gustong paraan sa pagpapaunlad ng komunidad.

About hataw tabloid

Check Also

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

122024 Hataw Frontpage

DSWD relief goods inire-repack  
MALABON SOLON, ASAWA, 1 PA INASUNTO SA OMBUDSMAN

HATAW News Team INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong Qualified Theft at paglabag …

Chavit, umaariba sa poll ratings

HATAW News Team SA PAG-AKYAT ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging …

Barasoain Malolos Bulacan

Pamanang kultural ibinida ng Bulacan sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang pamanang …

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …