HATAWAN
ni Ed de Leon
IN fairness kay Bianca Umali, baguhan siyang aktres pero may kakayahan naman siyang umarte. Hindi pa nga lang siya ganap na sumisikat kaya hindi pa siya nananalo ng mga major award, pero hindi natin maikakaila na ang mga pinagbidahan niyang mga serye sa telebisyon ay mataas ang ratings. Ibig sabihin, pinanonood siya ng mga tao, mayroon din siyang fans.
Kaya ang tingin namin napaka-unfair na lait-laitin siya at sabihing walang karapatan dahil lamang sa isang poster ng pelikula niyang kasama si Nora Aunor na ipalalabas daw sa Japan on a special screening. Makikita naman sa poster na iyon ay intended para sa special screening sa Japan, kaya nga may Japanese characters ang lahat ng mga pangalan at title sa pelikula. Hindi maman iyon local poster.
Doon sa Japan sabihin mo mang starlet lang si Bianca at national artist ng Pilipinas at nanalong best actress in five continents si Nora, sa Japan ay pareho lang silang hindi kilala. Patas lang sila roon. Lamang pa nga si Bianca dahil siya ay bata at maganda. Mas makatatawag iyon ng pansin kaysa kay Nora na halatang matanda na sa pelikula at hindi pa inayusan dahil tipong horror nga yata ang pelikula, kaya ang dating niya ay parang ang yumaong si Lilia Cuntapay. Mas makatatawag talaga ng pansin si Bianca.
Isa pa, bakit si Bianca ang nilalait nila eh hindi naman iyon ang nagpalagay ng picture niya na mas malaki kay Nora? Iyang poster ay isang marketing material kaya diskarte na ng producer iyon kung paanong sa tingin niya mas maibebenta ang pelikula niya. Eh dito nga sa atin, matagal na iyang pelikulang iyan pero hindi maipalabas sa mga sinehan, dahil ang palagay ng mga sinehan, malulugi lang sila.
Hindi na commercially viable si Nora, kaya nga hindi ba iyon din ang dahilan kung bakit naitsapuwera ang pelikula niya noong festival at lumabas na tama naman ang festival committee. Ipinalabas iyong pelikula niya pagkatapos ng festival sa isang micro cinema lamang na ang capacity ay 50, sa loob ng dalawang araw. May dalawang screening pang cancelled dahil walang nanood. Eh kung sa festival iyan ‘di lalong nangamote sa mga sinehan. Kawawa ang sinehan.
Mabuti iyang isang pelikula naikuha nila kahit na special screening lang sa Japan, kahit paano may kikitain kaysa nakatambak lang sa bodega at naghihintay kung kailan maipalalabas.
Natatandaan namin noong araw, iyang mga mahihinang pelikula ay naibu-book pa sa mga sinehan lalo na sa panahon ng Mahal na Araw, kasi nga nagbubukas ang mga pelikula noon ng Miyekoles, tapos sarado ang sinehan ng Huwebes Santo, Biyernes Santo, at Sabado de Gloria. Okey na rin naman iyon dahil bale tatlong araw lang at saka natural lang namang mahina ang Lunes at Martes at ang nanonood ng sine kung ganyang araw ay mga senior citizens lang na libre sa sinehan. Eh ngayon hindi na rin ganoon ang kalakaran, kasi napakaraming pelikulang Ingles eh, na mas kikita.
Kung gaya lang ng dati, sukdulang magkaroon ng Nora Aunor festival sa mahal na araw dahil lahat ng pelikula ni Nora sabay-sabay na ipinalalabas. Bale apat na araw lang naman iyon dahil sarado nga ng tatlong araw ang sinehan. Kaso iba na rin ang kalakaran ngayon eh. Sa laki ng puhunan at maintenance ng sinehan, lalo na ang bayad sa koryente hindi na nila matanggap ang mga mahihinang pelikula. Ang pag-asa niyan talaga pang internet na lang. Tapos kung maibebenta nga nila sa tv, eh ngayon mura na ang bayad ng tv dahil hindi naman ganoon kalakas ang pasok ng commercials.
Isa pa, sarado na ang ABS-CBN kaya nabawasan din ang networks na maaaring mapaglakuan ng pelikula. Iyong Sky Cable naman hindi na yata bumibili ng bago kaya paulit-ulit na lang ang mga pelikulang Filipino. Ang dami rin kasi nilang napakyaw na mga low budget films noong araw eh iyon na lang ang ipinalalabas nila sinasalitan na lang nila ang mga pelikula ng Star Cinema. Ganoon din naman iyong PBO na puro mga maliliit na pelikula ang sinasalitan na mga lumang pelikula ng Viva.
Kailangan talaga ang isang malakas na adbokasiya para mapabalik ang mga tao sa mga sinehan, pero kailangan unang-una na gumawa muna sila ng mga magaganda at may katuturang pelikula.