HATAWAN
ni Ed de Leon
MAKUMBINSE nga kaya ni Ate VI (Ms Vilma Santos) ang mga tao na panooring lahat ang mga pelikula sa Metro Manila Film Festival? Iyon na kasi ang ikinakampanya niya eh, hindi lang naman ang pelikula niyang When I Met you in Tokyo. Ang sinasabi niya ang gusto niyang makita ay ang mahabang pila ng mga taong nanonood sa mga sinehan. Kung pelikula lang niya, baka mangyari iyon dahil sa dami ba naman ng Vilmanians, na tiyak na maglalabas pasok sa mga sinehan hahaba nga ang pila ng mga bumibili ng tickets.
Alam naman ninyo ang Vilmanians, hindi kuntento iyan hanggang hindi yata memoryado ang mga dialogue ni Ate Vi sa pelikula. Kaya ulit-ulit na manonood iyan. Pero kung panonoorin nila ang lahat ng pelikula, palagay namin ay malabo iyon.
Siguro kung ang film festival ay sa Batangas at hindi sa Metro Manila, baka nga mangyari ang panawagan ni Ate Vi, alam naman ninyo, parang Diyosa iyan ng Batangas at sumusunod ang mga tao sa kanya. Pero sa Metro Manila, baka malabo iyon.
Kung gusto nilang bumuhos ang mga tao sa MMFF dapat lahat ng mga artista at pelikula ay nagpo-promote, hindi iyong parang umaasa na lamang sila kay Ate Vi. Hanggang sa estasyon ng radio naririnig namin si Ate Vi, naikot na niya ang lahat ng estasyon ng tv, mukhang estasyon na lang ng jeep at bus ang hindi niya napupuntahan. Gusto niya kasi kumita ang lahat ng pelikula. Ang nasa isip niya ay iyong mga manggagawa sa pelikula, hindi iyong mga artista. Kasi silang mga artista malaki naman ang kita, puwedeng isang pelikula lang sa anim na buwan halimbawa, eh iyong mga bitbplayer at mga crew, kung walang trabaho tagilid na ang buhay, iyon ang kawawa. Kaya gusto niyang maibangon ang industriya, pero hindi na siya si Darna, hindi niya kayang mag-isa iyon.
Mayroon pa ngang mga artista na ni hindi pa nagpo-promote ng kanilang pelikula minsan man eh. Mukhang panatag ang loob nilang kikita sila, o tanggap na ba nilang laos na rin sila at kahit na anong promo pa ang gawin nila tiyak na flop ang kanilang pelikula.
Pero iyon ang sinasabi ni Ate Vi, sasama ang loob niya basta may kahit na isang pelikulang mag-flop sa festival. Sana naman wala ngang mag-flop, sana naman walang pelikulang pitong beses nang natugtugan ng Lupang Hinirang wala pa ring pumapasok. Hindi naman nila pinapasok ang mga pelikulang inaakala nilang magiging ganoon. Sana nga hindi sila nagkamali.