HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDIpa man nagsisimula, lumabas na ang mga problema kung sakali nga’t magbabalik si Willie Revillame sa free tv.
Inamin na ng PTV 4 at IBC 13 na sinasabing siya ang magiging carrier station ng show ni Willie na kailangan nilang makipag-collab dahil wala namang studio ang IBC at wala ring studio ang PTV 4. Maliliit lamang ang studios ng PTV 4 dahil wala naman silang ginagawa kundi newscasts na hindi kailangan talaga ng malaking studio. Iyon ang dahilan kung bakit humihingi ang GM ng PTV4 na si Anna Puod ng mas malaking budget sa Kongreso, dahil kailangan na nila ng sariling building na mapaglalagyan ng studios at iba pang makabagong equipment para ang government television ay makalaban sa mga commercial channel.
Sinasabi pa niyang kung maibibigay ng gobyerno ang lahat ng kanilang kailangan, posibleng sa 2023 ay talunin na nila ang TV5, at sa 2024 ay maaagaw na nila sa GMA ang pagiging leading network, at makukuha ang naiwang posisyon nang mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN. Pero kanino naman sila makikipag-collab para magkaroon ng studio?
Iyang IBC 13 noong araw ay may kompletong facilities, may sound studio sila na isinasagawa ang taping ng kanilang mga local show, at may nagagamit din para sa live telecast. Kung natatandaan ninyo, roon nagsimula ang TV show ni Sharon Cuneta at hindi naman sa ABS-CBN. Lumipat lang si Sharon sa ABS-CBN noong ang IBC ay ma-sequester na ng Cory Aquino government. May studio silang ginagamit para sa show ni Sharon, na may live audience naman. Kaya lang simula nga ng ma-sequester ng mga dilawan, at inilagay sa ilalim ng PCGG, wala na silang inintindi para pangalagaan ang estasyon. Tutal siguro nga ang nasa isip nila hindi naman talagang kanila iyon. Unti-unti nang nangasira ang equipement na naiwan na ng panahon, at ang studio nila ay tumutulo na kung umuulan at hindi na magamit. Mukhang malabo naman silang pahiramin ng studio ng ABS-CBN, kahit hindi na rin ginagamit ang karamihan sa mga iyon noon. May samaan pa sila ng loob nina Willie na kailan lamang natapos ang kaso.
Hindi naman siguro sila makahihiram ng studio sa GMA 7 na napakarami ring ginagawa. Makahihiram ba sila ng studio sa TV5 na sinasabi nilang tatalunin nila sa susunod na taon?
Ang malamang na mangyari ay umarkila sila ng isang lumang sinehan at gawin nilang studio, pero may pondo ba naman ang gobyerno para roon? Kaya nga siguro sinasabi nilang co-prod dahil si Willie na ang gagasta sa sarili niyang studio. Hindi rin naman kayang bayaran ng IBC at PTV ang kanyang talent fee, kaya malamang siya ang magbabayad sa kanyang sarili. In short si Willie na rin ang magpo-produce ng sarili niyang show at bibigyan lang siya ng airtime ng PTV at IBC. Pero matuloy man iyan, malabo iyong sinasabi ni Puod na mao-overtake nila ang TV5 bilang number 2 station. Lalong hindi naman nila mabubura ang image nila bilang government propaganda station dahil iyon naman sila talaga, at maliban nga kay Willie kung sakali, puro government propaganda pa rin naman ang kanilang content, hindi na nila mababago iyon.