HATAWAN
ni Ed de Leon
NATAWA naman kami roon sa balitang ngayon ay pinag-aaralan na ni Hope Soberano ang kulturang Koreano dahil may balak siyang mag-shift ng kanyang pangarap mula sa Hollywood, tungo na sa mga Korean drama. Siguro napagtanto na rin ni Hope na mahirap siyang bumangga sa mga Kano at mas magiging madali para sa kanya ang maging artistang Asyano na lamang.
Sabihin mo mang may dugong Kana siya, at American citizen siya, hindi niya maitatago na naging artista siya sa PIlipinas, at mahirap tanggapin sa US ang isang galing sa Third world. Tingnan nga ninyo noong araw si Nancy Kwan, sumikat pa ba pagkatapos ng role niya bilang Chinese girl sa Flower Drum Song? Si Bruce Lee lang ang sumikat sa US, at si Toshro Mifune na laging nakukuha kung may role ng isang Japanese character. Natanggap ba sila sa ibang roles?
Kung si Lea Salonga nga na nagpakita na ng kahusayan at gumawa ng history sa London at sa Broadway, hindi makapangahas na magsabing gusto niya ng isang Hollywood career. Iyon pang wala pa namang malaking role na nagawa talaga?
Mas ok ang balak niyang pumasok sa Korean showbusiness, baka mas may pag-asa siya roon, pero tandaan ninyo, ang gaganda rin ng mga Korean actress, at hindi maipagmamalaki ni Hope ang ganda niya roon. At isa pa, ang mga Koreano, sumusuporta lang sa mga kapwa nila Koreano. Ewan kung ano ang magiging kapalaran ng isang Pinoy na nag-aambisyon naman ngayong maging KOREAN Star, matapos na mapagtanto na hindi siya ubra sa pangarap niyang Hollywood?