HATAWAN
ni Ed de Leon
INVESTMENT scam, iyan ang isa pang sakit sa internet. May mag-aalok sa inyo ng investnment proposal, napakaganda ng pangako, maniniwala kayo. Sa mga unang buwan, naibibigay ang tubong ipinangako sa inyo. Kapag tumagal mawawala na at wala na rin ang pera ninyo.
Isa pala sa naging biktima ng ganyan ay ang actor at dancer na si Michael Flores, na limang taon na raw ang nakararaan, hindi pa rin nahuhuli at nagtatago pa rin ang nang-scam sa kanila.Hindi naman sinabi ni Michael kung magkano ang na-scam sa kanya pero kung maliit lang iyon, hindi na niya papansinin. Naalala tuloy namin ang isa pang male star na nasangkot sa ganyan. Naniwala siya sa kanyang mga principal na malaki ang tutubuin ng pera, siya ang nag-recruit ng maraming investors at dahil nga artista siya, magagara ang kotseng dala, pinaniwalaan siya.
Dumating ang panahon na pumutopk na ang scam, siya ang hinahabol ng mga investor. Nagipit siya nang husto, at isang araw nakita na lang siyang nag-suicide, nagbigti sa kanilang hagdan. Sayang na bata. Pero siya man ay biktima rin at ang kanilang mga principal nakakawala rin.
Kaya kung may mag-aalok sa inyo ng investments, na napakalaki ang tubo, huwag na kayong sumama dahil malamang sa hindi scam iyan.