TINANGAY ang isang mini-dump truck na pag-aari ng artistang si Gary Estrada ng kanyang tauhan sa Brgy. Loob, sa bayan ng San Antonio, lalawigan ng Quezon, nitong Lunes, 7 Agosto.
Ayon kay Carmen Delgado, 43 anyos, sekretarya ni Estrada, itinawag niya sa pulisya na kinuha nang walang permiso ng suspek na kinilalang si Jeffrey Ragas, 37 anyos, ang Foton mini-dump truck, may plakang NEW 6384.
Sa pahayag ni Delgado sa pulisya, sinabi niyang hindi napansin ng kanilang guwardiya na minaneho ni Ragas ang sasakyan patungong San Juan, Batangas upang magdiwang ng kanyang kaarawan kasama ang kanyang pinsan.
Sa kasamaang palad, nasangkot sa road mishap ang truck nang mabangga sa likuran ang bisikletang sinasakyan ni Jaime Dimayacyac, 64 anyos.
Dinala si Dimayacyac sa San Juan District Hospital para malapatan ng atensiyong medikal habang inabandona ni Ragas ang truck na na-impound sa San Juan MPS.
Ayon kay P/MS. Ariel Pillerba, may hawak ng kaso, sinampahan ng San Antonio MPS ang suspek ng kasong Qualified Theft.
Sa kabilang banda, inihahanda ng pulisya ng San Juan ang kasong reckless imprudence resulting in physical injuries na isasampa laban kay Ragas.