ni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD
ANG ICFI, Philippine Independent Catholic Church sa Ingles, na kilala rin sa pangalang Simbahang Aglipay ay katoliko sa pangkalahatang paniniwala at tradisyon at hindi protestante gaya ng pagkakaalam ng iba, bagamat ito ay may mga bahid ng mapagbagong kamulatan. Ito ay naniniwala sa tatlong persona nang nag-iisang Diyos (Trinity) at tanggap nang buo ang depinisyon kung ano ang isang mananampalatayang katoliko na sinasalamin ng Kredo ng Nicea o Nicene Creed. Kinikilala rin si Maria bilang Ina ng Diyos na pinagpala sa babaeng lahat.
Gayon man, sa kabila ng magkahalintulad na pananampalataya ay lumabas mula sa pamamahala ng Vaticano o Roma ang Simbahang Pilipino noong unang bahagi ng ika-20 siglo dahil na rin sa dinanas na mala-imperyong pamamalakad, na nananatili magpasa ngayon, nang nasabing sentro ng pananampalatayang Romano Katoliko, at matinding kaapihan na tinamo ng mga paring Pilipino sa kamay ng mga Kastilang Prayle na siyang nagsilbing mata at tagapamahala ng simbahan ng Roma sa ating kinawawang bayan.
Kasaysayan ng Simbahang Pilipino
Matutunton ang pinagmulang ugat ng Simbahang Pilipino kay Padre Pedro Pelaez (1812-1863). Dahil sa kanyang talino at husay, siya ang naging kauna-unahang paring Pilipino na naging administrador ng Arkodioses ng Maynila kung saan ang Katedral ng Maynila sa Intramuros ang kanyang naging tanggapan. Siya ay kinikilala rin bilang “Ninong ng Himagsikang 1896” dahil sa kanyang iniambag, katulong si Padre Mariano Gomez na isa sa mga martir na Gomburza, sa pagmumulat ng ating mga kababayan sa kalabisan ng mga Prayle. Sa kasalukuyan ay may mga kilos upang ideklara siyang Santo.
Sa ngayon ay opisyal na kinikilala si Padre Pelaez ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines bilang Lingkod ng Diyos (isang hakbang tungo sa beatipikasyon).
Nanguna si Padre Pelaez sa kilusan para ibigay sa mga katutubong pari ang pamamahala ng mga parokya ng simbahan sa Filipinas, na karamihan ay pinanghahawakan ng mga walang modo at aral na Kastilang prayle. Sa kasawiang palad ay binawian ng buhay si Padre Pelaez sa kanyang mismong tanggapan nang madaganan siya ng mga tipak ng mga gumuhong bato ng Katedral matapos salantain ng lindol ang Maynila noong 1863 bago pa man niya natapos ang kanyang gawain para sa mga paring Pilipino.
Gomburza
Ang naiwang gawain ni Padre Pelaez ay ipinagpatuloy nina Padre Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora na naging dahilan naman upang sila ay bitayin sa pamamagitan ng garote ng mga Kastila noong ika-17 ng Pedrero 1872 sa Bagumbayan o Luneta na ngayon ay mas kilala sa pangalang Rizal Park sa baybayin ng Look Maynila.
Dahil sa kanilang pinaniniwalaan kaugnay sa pagsasa-Pilipino ng mga parokya ay isinangkot sila sa pag-aaklas ng mga sundalong Pilipino sa arsenal ng Puerta San Felipe sa lalawigan ng Cavite. Ang walang katibayang pagsasangkot sa kanila ay nauwi sa kanilang pagkakabitay.
Padre Gregorio Aglipay
Ang pagbitay kina Gomburza ay nasaksihan ng halos lahat ng mga naging pasimuno ng Himagsikang 1896 at ng unang Republika ng Pilipinas. Ang pangyayaring ito ang pumukaw sa kaisipang makabansa ng mga Pilipino ng mga sumunod na henerasyon, kabilang na si Padre Gregorio Aglipay (1860-1940) na nagpasyang ipagpatuloy ang gawain ng mga bayaning pari.
Dahil sa kanyang ipinakitang pagmamahal sa bayan, siya ang naging Military Vicar General ng Unang Republika ng Pilipinas sa ilalim ni Emilio Aguinaldo. Habang nasa posisyong ito at kasabay ng pagsiklab ng digmaang Pilipino-Amerikao noong 1899 ay ipinasya ni Padre Aglipay na italaga bilang Military Chaplain ang mga paring Pilipino, dahilan upang ideklara siyang exkomunikado mula sa simbahang Romano Katoliko ni Bernardino Nozaleda, Arsobispo ng Maynila.
Matapos ang digmaan, sinubukang hikayatin ni Arsobispo Nozaleda si Padre Aglipay na isuka ang kanyang paninindigan kapalit ng pagbawi ng kanyang pagka-exkomunikado subalit nauwi ito sa isang komprontasyon sa loob mismo ng Apostolic Center sa Sta. Ana, Maynila kung saan, ayon sa mga kuwento ng saksi, ay sinuntok umano ni Padre Aglipay ang aroganteng obispo kasabay ng pag-e-exkomunika niya sa nasabing Kastilang prayle.
Kinabukasan ay dumalo ang bayaning pari sa pulong ng ICFI. Nanatiling matibay sa kanyang pananampalataya sa mapagpalayang Diyos at makabayang paninindigan si Padre Aglipay.
ICFI o PICC
Taong 1902, matapos ang madugong digmaan Pilipino-Amerikano, isang teologo at organisador ng mga manggagawa na si Isabelo De los Reyes ang nagpasya na magtayo ng isang simbahang malaya at hiwalay sa Vaticano o Roma para sa mga Pilipino. Katulong ang mga miyembro ng Union Obero Demokrata (UOD) ay itinayo ni De los Reyes ang ICFI noong 3 Agosto 1902 kasabay ng kanyang mungkahi na gawing Obispo Supremo (OS) ng bagong tayong simbahan si Padre Aglipay.
Noong ika-18 ng Enero, 1903 ay pormal na tinanggap ni Padre Aglipay ang alok ni De los Reyes at siya ang naging kauna-unahang obispo ng malayang simbahang Pilipino. Dito na nagsimula ang mapanghamong paglalakbay ng simbahang Pilipino.
Dapat nating mabatid na ang ICFI o Aglipay ay kinikilala rin bilang Simbahan ng mga Dukha o Simbahang Pawid dahil matapat nitong pagsasabuhay ng payak na pamumuhay ayon sa katuruan ni Hesus at dahil na rin sa patuloy na pang-aalipusta at pagtatangka ng mayamang pamunuan ng simbahang Katoliko Romano na gibain ang tunay na simbahang Pilipino.
Dahil sa mga nagawa ni OS Aglipay para sa simbahan at lahing Pilipino ay kinilala siya ng simbahang Episcopal ng Estados Unidos sa pamamagitan ng pagtatakda ng Setyembre 5 bilang kanyang kapistahan.
Maligayang 121 Anibersaryo sa Simbahan ng mga Dukha. Mabuhay ang PICC sa darating na ika-3 ng Agosto. Huwag kalilimutan — “Ang Panginoon ang ating liwanag at kaligtasan.” — Mga Awit 27:1