HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGSIMULA na pala ng taping noon mismong araw ng Pista ng Quiapo si FPJ, ay hindi si Coco Martin pala alyas FPJ. Narinig naming ibinabalita sa Frontline na nagsimula na raw ang taping ng bago nilang “kapatid serye.” Kailangang simulan agad ni Coco, alyas FPJ, ang seryeng iyan para may maipalit sila sa hindi nakalipad na Darna, at para na rin makabawi agad si Coco. Isipin ninyo, iyong pelikula niya sa festival naka-P19-M lang nang matapos iyon. Aba napakahina niyon. Kung ang claim ni Vice Ganda naka-P31-M siya sa unang araw lang, at tinalo pa siya ni Nadine Lustre, napakahina ng P19-M ni Coco.
Isipin ninyo ha, ang katambal pa ni Nadine sa pelikula si McCoy de Leon. Kung ang nakatambal niyon sa pelikula si James Reid, aba baka mas malaki ang kinita.
Si Coco sa tingin namin, masyado nang identified kay FPJ.
Isipin naman ninyo halos pitong taong tumakbo iyong FPJ’s Ang Probinsyano. Nawalan na sila ng prangkisa, Probinsiyano pa rin. Kung natatandaan din ninyo, sumali na sa festival iyang si Coco at malakas siya noon sa takilya, kasi nga iyon ay FPJ’s Ang Panday. Kaya tama nga na gawin niya ang FPJ’s Batang Quiapo para makabawi. Hindi na nga maikakaila na ang batak ni Coco ay kung gumagawa siya ng mga proyektong kilala dahil kay FPJ.
Noon bang araw kumita siya sa mga indie at gay films na ginawa niya? Hindi rin naman eh. Talagang sumikat siya nang todo dahil kay FPJ lang. Dapat ang mga tao ni Coco, mag-research nang husto kung ano pang mga proyekto ni FPJ ang maaari niyang mai-remake para makabawi naman siya sa takilya. Bakit hindi nila i-remake ni Julia Montes iyong FPJ’s Zamboanga, na pinagtambalan ni Da kKng at ng asawa niyang si Susan Roces? O kaya iyong FPJ’s Ang Daigdig ko’y Ikaw.
Puwede ring mai-remake ang FPJ’s Asedillo. Aba napakarami pang ibang projects ni FPJ, hindi siya mauubusan kung sampung taon lang.