HATAWAN
ni Ed de Leon
MUKHA ngang nagbago na rin ang box office trend maging sa Metro Manila. Nauna ngang ganyan sa mga probinsiya. May isa kaming kaibigan na nag-post ng pictures ng box office board ng isang theater chain sa isang mall na may dalawang sinehan ang pelikula ni Nadine Lustre, isa lang kay Vice Ganda, at isa sa pelikula ni Noel Trinidad.
Mayroon ding nagpadala sa amin ng pic na may tatlong sinehan ang pelikula ni Nadine at may isa si Vice.
Iyang probinsiya, hindi talaga isinasama ng Metro Manila Film Festival sa kanilang reports dahil hindi naman iyan sakop ng festival, pero kung ang pagbabatayan ay ang totoong trend, at ang katotohanan na maaaring ma-extend pa ang playdate ng mga pelikulang kumikita, wala nang makapipigil na makapag-rehistro ng upset si Nadine sa box office.
Iyan ay isang bagay na hindi nila inaasahan, dahil alam naman natin kung anong klaseng mga pelikula nga ang kumikita kung festival. Maging ang director ni Nadine, hindi makapaniwalang ganoon nga ang kinikita ng kanilang pelikula.
Samantalang iyong tatay naman ni Nadine, ipinagmamalaking napatunayan ng kanyang anak na hindi kailangang sumandal sa isang love team para makagawa ng hit. May nagsasabi kasing bumaba ang popularidad ni Nadine nang mahiwalay kay James Reid. Kasi naman noon, dalawang magkasunod niyang pelikula ang nagpahinog lang sa takilya.
Ngayon lumalaban na ang pelikula ni Nadine kahit na wala si James. Ang tanungan naman ngayon ng mga tao, kailan naman daw kaya makagagawa ng hit si James kung wala na sa kanya si Nadine? Mukhang malabo yata iyon.