HATAWAN
ni Ed de Leon
APEKTADO na naman ang schedule ng dapat sana ay haharaping trabaho ni Ate Vi (Vilma Santos). Ang immediate reason, medyo abala nga ang pamilya lalo na si Cong. Ralph Recto dahil sa pagkamatay ng kanyang kapatid, si dating Vice Gov. Ricky Recto. Hindi naman puwedeng hindi rin maging abala si Ate Vi sa mga bagay na iyan.
Bagama’t sinasabing medyo late nang matuklasan ang kamatayan ng dating vice governor, sa imbestigasyon naman ng pulisya ay sinasabi nilang walang foul play.
May isa pang proyektong ayos na sana, at iyon ang isang sitcom na makakasama niya ang kaibigang si Roderick Paulate, pero nagkaroon naman iyon ng problema kaya maghihintay na muli si Ate Vi kung ano ang magiging replacement niyon.
Sa ngayon ang talagang masasabing pinaka maagang mapapanood natin ay ang isang special na inihahanda na para sa kanyang 60th sa showbiz na mapapanood sa Pebrero, kung kailan tama ang petsa sa paglalabas ng una niyang pelikulang Trudis Liit. Mapapanood iyon sa Kapamilya Channel at iba pang estasyonna may blocktime
agreements ang ABS-CBN.
Ang isa pang balita, may gagawin siyang bagong commercial endorsement bago matapos ang taon. Noon pa sana iyan eh, kaso nagkasakit nga siya, pero ngayon tuloy na tuloy na.
Ang inaasahan namin, sa 2023 ay magiging aktibo na ngang muli si Ate Vi, pero huwag naman ninyong hanapin iyong kagaya noong araw na sunod-sunod ang mga pelikula niya. Basta ang mahalaga gagawa na siya ng mga pelikula, at mapapanood na muli sa tv.