HATAWAN
ni Ed de Leon
NAUUNAWAAN namin at alam naming masamang-masama ang loob ni Matet sa kanyang sinasabing “betrayal” na ginawa sa kanya ng kinikilala niyang ina at kapatid. Kung iisipin mo, walang kabagay-bagay ang pinagsimulan.
Dahil mahina naman talaga ang kita sa showbusiness, hindi lamang dahil sa pandemic kundi dahil na rin sa masamang ekonomiya, naisipan ni Matet at ng kanyang asawang si Mickey na pumasok sa negosyo. Gumawa sila ng gourmet tuyo, at gourmet tinapa, na mismong si Mickey pala ang nagluluto. Nagpa-rehistro sila ng isang legal na business name, at tinawag nila iyong “Casita Estrada.” Ok naman ang takbo ng negosyo na bagama’t maraming kakompitensiya ok pa rin sila. Na-shock lang si Matet, nang magising daw siya isang araw na pinadalhan siya ng message ng kinikilala niyang nanay, na ang nakalagay ay picture ng gourmet tuyo at gourmet tinapa na iba ang brand. Umasa pa rin naman daw siya na baka iyon ay biro lang, o baka magbago rin ang isip niyon at hindi naman siya kalabanin. Pero hindi ganoon ang nangyari. Tinawagan pa raw siya ng isa sa mga kinikilala niyang kapatid, na kagaya niya ay ampon ng kinikilala nilang ina, na nagsabi sa kanyang mag-reseller na lang ng brand ng nanay niya at magtulungan sila.
Tatalikuran nga ba naman niya ang kanilang pinagsikapang negosyo? Masakit iyon para kay Matet, at lalong masakit na sa palagay niya parang ipinamukha sa kanya na ampon lang naman siya. Hindi niya makuwestiyon na dapat bang kalabanin ng nanay ang anak, dahil alam na niyang hindi naman siya talagang anak. Sa palagay namin ang realization na iyon ang higit na masakit para kay Matet. Nakapagsalita rin ng masakit si Matet. Ewan kung sino ang sinasabi niyang nakatira sa bahay ng kinikilala niyang ina na siyang nagsulsol marahil doon na kalabanin pa siya. At sa himig ng pangyayari, mukha ngang tinatapos na niya ang relasyon niya sa kinilala niyang pamilya. Ibinlock na rin niya sa social media account niya ang kinikilalang ina.
Masakit iyan ha, lalo na’t magpa-Pasko pa naman.