HATAWAN
ni Ed de Leon
NAKIKIUSAP si Roderick Paulate na huwag “pag-fiestahan ang kaso ko.” Matapos na mahatulang guilty ng Sandigang Bayan noong nakaraang linggo, hindi lamang sa lehitimong media kundi lalo na nga sa social media na kung ano-ano pa ang sinasabi. Masakit iyong mga sinasabi nila lalo na nga’t masasabi naman siguro natin na ang totoong layunin ni Kuya Dick ay matulungan lamang ang siyam na taong iyon na walang hanapbuhay. Mahirap na lang magdamay ng iba pero ganyan naman talaga ang kalakaran at nangyayari hindi lamang sa kanya, iyon lang siya ang natiyempuhan.
Idinidiin din nila na maaari siyang makulong ng 62 years, na hindi namam posible. Maaaring iyon nga ang itinakda ng hatol ng Sandigang Bayan, pero ano na ba ang edad ni Kuya Dick? Siya ngayon ay 62 na at kung susundin ang batas, kung maganda naman ang kanyang record kung sakali, pagdating niya ng 70, laya na rin siya. Hindi pa rin naman siya makukulong agad ngayon, dahil ang desisyon ng Sandigang Bayan ay maaari pa niyang iapela, at tiyak na iaapela sa Court of Appeals. Maaari pa siyang umapela hanggang sa Korte Suprema, at ilang taon pa ang aabutin bago lumabas ang final decision.
Kaya kung iniisip ng kanyang mga kalaban na babagsakan ng langit at lupa si Kuya Dick, hindi naman siguro mangyayari ang ganoon, at kailangan din nating isipin na maaaring nagkamali nga siya, pero gaano naman karami ang mga kabutihang nagawa niya para sa kanyang kapwa na mukhang hindi na nila binibilang.
Kung sa bagay, iyan ang risk ng pagpasok sa public service. Hindi ka na nga kumikita dahil magkano lang ba ang suweldo ng isang konsehal, at ang daming humihingi ng tulong sa iyo araw-araw. Tapos makakasuhan ka pa, ganoong mas marami ang mas malala ang ginawa na hindi nakasuhan.