HATAWAN
ni Ed de Leon
TOTOO, na bagama’t ang ika-60 taon ni Vilma Santos bilang isang aktres ay ipinagdiwang noon pang makalawa, Nobyembre 27, at noon din nga inilabas ang isang awitin ni Pops Fernandez na ginawa bilang tribute sa Star for All Season, ang malaking television special na magtatampok sana sa kanyang 60 taon na balak na ilabas ng December ay mauurong ng kaunti. Sa advice na rin ng ABS-CBN, ie-air na nila iyon sa February, kung kailan mas favorable ang panahon.
Isa pa, sinasabi nga nilang iyong November 27, bale iyon ang unang araw ng shooting ng pelikula ni Ate Vi ng Anak ang Iyong Ina, na hindi naman siyang unang naipalabas. Iyong unang pelikula ni Ate Vi na naipalabas sa sinehan, na siya pa ang title role, at nagpanalo sa kanya ng kauna-unahan niyang best child actress award, ay inilabas sa mga sinehan noong February 21, 1963. Kaya may nagsasabi rin na tamang February ang kanyang 60 years.
Pero ano man ang sinasabi nilang tamang petsa, hindi na mahalaga iyon eh. Ang mahalaga ay mabigyan ng panahon at pagkilala ang star for all seasons sa ika-60 ng kanyang pagiging artista. Pero may isa pang opinion na narinig namin. Si Ate Vi raw ay hindi na isang star sa ngayon. Isa na siyang institusyon. Hindi na lamang kasi siya kinikilalang artista sa pelikula, kundi isang public servant sa loob ng 23 taon, hindi siya natalo sa alinmang eleksiyon. Tumanggap din siya ng pinakamataas na presidential award para sa isang civilian public servant, iyong Lingkod Bayan Award.
Mabuti rin naman iyong postponed iyang tv special na iyan, dahil nagkakaroon ng pagkakataong mas mapag-usapan pa ang dapat na content sa tribute na iyan sa star for all seasons. Aba hindi lahat ay umabot ng 60 taon sa showbusiness at nanatiling sikat.
May nadagdag pa nga eh, si Ate Vi ang artistang nakagawa ng pinakamaraming pelikula sa isang taon, iyon ay noong 1970, kung kailan siya nakagawa ng 26 na pelikula. Sa mga lalaki, ang record holder ay si Chiquito na nakagawa ng 19.