HATAWAN
ni Ed de Leon
MAY isang fan na nag-post ng isang video na kinakanta ng yumaong singer at song writer na si Danny Javier ang ‘Di na Natuto na obra niya. Ang obra ni Danny ay ibinigay sa ibang singer at sumikat naman, pero hindi nga maikakaila na ang sumikat na kanta ay obra nga ni Danny.
Pinanood namin ang nasabing video na posted sa social media. Napakaganda ng pagkakakanta ni Danny. Iba talaga ang songwriter basta kumanta dahil ang lumulutang ay ang mensahe ng awitin. Eh ang ganda ng mensahe niyong kanta. Binabale wala na siya, basta binalikan siya tanggap pa rin niya. Kaya nga “‘di na natuto.”
Kung ang kumakanta kasi ay isang singer, mas partikular siya na lumabas ang kanyang magandang boses, after all iyon lang ang sa kanya, hindi naman kanya iyong kanta eh. Hindi naman kanya ang mensahe.
Kaya kung minsan, mas masarap pakinggang kumanta ang songwriter talaga.
Gaya rin iyan ni Rey Valera. Basta si Rey ang kumakanta ng mga awiting isinulat niya, madarama mo ang mensahe ng kanta kahit na gaano iyon kasimple. Basta mga singer na lang ang kumanta, kailangang intindihin mong mabuti eh para ma-appreciate mo ang mensahe ng kanta.
Kagaya rin iyan niyong Christmas song na Pasko na Sinta Ko. Una naming narinig iyang kantang iyan maraming taon na ang lumipas, nang ang kantang iyan na ginawa ni Francis Dandan ay maging contest piece sa isang choral competition.
Noon damang-dama namin ang kuwento at mesahe ng kanta. Ewan kung bakit ngayon ay talagang hindi na.