HATAWAN
ni Ed de Leon
“HINDI kasi ako gumawa ng mga teleserye kahit na noong araw. Kasi ang sinasabi noon nina Atty. Laxa (Esperidion Laxa), kung gagawa ako ng drama sa tv, sino pa ang manonood ng pelikula ko eh ganoon din iyon. Kaya rito sa atin noong araw, magkaiba iyang tv at pelikula.
“Sa US, iyong mga artistang lumalabas sa tv, sa tv lang sila. Natatandaan ko ang tawag sa kanila “day time stars.” Sa ganoong paraan hindi naaapektuhan ang pelikula, dahil ibang artista ang mapapanood mo sa pelikula.
“Rito sa atin ngayon iba na. Iyong magagaling na director nagdidirehe sa tv, dahil ayaw nilang gumawa ng indie. Iyong lahat din ng mga sikat na artista, nasa tv dahil mas kumikita sila roon, walang gumagawa ng malaking pelikula ngayon eh. Iyong mga lumang pelikula naman, paulit-ulit nilang ipinalalabas sa cable tv. Iyan ang dahilan
kung bakit wala na halos manood ng sine sa ngayon.
“Iyon talaga ang malaking problema. Iyon namang sinasabi nina Jinggoy (Estrada) at Robin (Padilla) tungkol sa Korean series totoo rin iyon. Pero ang problema riyan economics. Napakamura ng mga seryeng iyan, ida-dub na lang nila, walang problema sa produksiyon. Ine-edit pa nila para mas mapahaba. Mas mahaba iyong pagpapakita sa nakaraang serye at sa darating kaysa actual content. Tapos ang kita ng network pareho rin at kadalasan mas malaki pa. Paano mo ngayon patitigilin iyan?” sabi
ni Ate Vi (Vilma Santos).
“Matagal ko ring pinag-aralan iyan. Sa dalawang term ko sa house, naiisip ko rin iyan, pero ano nga ba ang magagawa natin? Basta pinigil mo iyan issue na naman iyan. Kaya ako ang naisip ko gumawa tayo ng magagandang pelikula, para ang mga tao magbalik sa sinehan, magkaroon ng trabaho sa industriya at hindi umaasa lang sa tv,”sabi pa ni Ate Vi.