HATAWAN
ni Ed de Leon
PAPASOK na sa mandatory military training and service ang mga member ng BTS, kaya sinasabi ng kanilang management firm na maghihiwa-hiwalay muna ang mga miyembro ng banda at muling magsasama sa 2025 pagkatapos ng mandatory military training nila. May umiiral na batas sa South Korea na ang lahat ng lalaki pagsapit sa wastong edad ay kailangang mag-aral ng military service.
Pero kung magsasama silang muli sa 2025 pa, malabo na iyan. Una, lampas na silang lahat sa matinee idol age pagdating ng panahong iyon. Nakita rin naman natin ang epekto niyan sa popularidad ni Rain, na sikat na sikat hindi lang sa Korea kundi maging sa US. Noong pumasok sa military service, nawala sa paningin ng mga tao. Nang magbalik siya wala na ang kanyang dating popularidad.
Hindi ba ganyan din naman ang sinapit ni Lee Min Ho, na dati kung ituring ay isang superstar sa buong Asya. Nawala at noong magbalik, iba na.
Hindi naman namin sinasabing siguradong pagbabalik nila ay bagsak na ang BTS pero iyon ang malamang na mangyari. Isipin ninyo, tatlong taon silang mawawala, at sa panahong iyan, hindi maaaring walang makapasok na iba.
Ganyan lang naman ang buhay talaga ng mga artist.