HATAWAN
ni Ed de Leon
MUKHANG mai-indulto pa rin ang sinasabing concert ng Eraserheads sa December. Maliwanag kasi ang kondisyon ng kanilang soloist na si Ely Buendia na hindi siya sasali sa concert dahil ayaw niyang makipagtrabaho sa kanilang lead guitarist na si Marcus Adoro na inireklamo ng dalagita niyang anak at ng female star na si Barbara Ruaro ng pananakit at verbal abuse. Sinabi ng dalagitang si Syd Hartha na bukod sa pananakit, pinagsasalitaan siya nang masama ng ama kahit na sa harap ng ibang tao.
May panahon din namang nagreklamo ang dating girlfriend ni Marcus at nanay ni Syd na si Barbara na siya ay biktima rin ng pananakit. Bagama’t hindi niya binabanggit na ang gumawa niyon sa kanya ay si Marcus. Matagal na rin naman silang hiwalay, at ngayon nga si Barbara ang girlfriend at live in partner ni Romnick Sarmenta. May isa na rin silang anak.
Iyang sinasabing reunion ng disbanded nang Eraserheads ay matagal nang hinihintay ng fans. Gumawa kasi ng announcement noon si Ely na magre-reunion sila sa isang concert kung mananalo ang ikinakampanya niyang si Leni Robredo. Nang matalo iyon, wala na, pero umingay ngang muli na magkakaroon ng reunion concert sa MOA Concert grounds sa December, na tinawag pa nilang Huling El Bimbo, batay sa isa nilang hit song. Isa pa raw sa mga producer ng concert ay si Alden Richards pero dahil nga sa naging problema ni Marcus sa kanyang anak, mukhang malabo. Bukod kay Ely, sinasabing may isa pa silang kasama na ayaw ding makipagtrabaho kay Marcus kung hindi maaayos ang problema.
Sinabi naman ni Marcus na matagal na niyang hindi nakakausap si Syd, hindi niya alam kung nasaan na iyon. Gusto rin daw niyang makausap para magkaayos sila. Humingi siya ng dispensa sa kanyang anak, sa mga sponsor, at mga kasama sa banda na naapektuhan ng mga pangyayaring iyon.