HATAWAN
ni Ed de Leon
TALAGANG wait and see pa ang mga malalaking artista kung tatalon sila sa bagong bukas na AMBS. Pero ngayong nakuha na nila ang transmitter ng dating ABS-CBN, na 150kw power din, baka nga may sumugal na sa bagong network.
Pero pareho man ang power nila sa Metro Manila, wala namang sinabi na ibinenta rin sa kanila ng ABS-CBN pati ang mga provincial stations niyon, at hindi naman basta mabubuksan ang mga provincial stations nang wala ring permiso sa NTC kahit na may prangkisa sila bilang isang network. Hindi rin nila maaaring sabihin sa NTC kung anong frequency ang ibibigay sa kanila sa probinsiya, paapano kung hindi iyon match sa dating frequencies na ginagamit ng ABS-CBN, ‘di wala rin.
Isa pa, bibilhin pa ba nila ang lahat ng mga provincial stations na may analog broadcast eh malapit na rin tayong mag-migrate sa digital broadcast? ‘Di para na lang silang nagtapon ng pera.
Pero ang suwerte iyong ABS-CBN, dahil naibenta pa nila ang kanilang lumang transmitter at antenna na gamit sa analog broadcast. Pagpasok ng Pilipinas sa full digital broadcast scrap na bakal na lang ang mga iyon. Trenta pesos isang kilo na lang iyan sa magbabakal.