HATAWAN
ni Ed de Leon
KUNG paniniwalaan namin ang mga concept poster na inilalabas ng ABS-CBN, may isang malaking pelikula na namang gagawin si Kathryn Bernardo sa abroad, na may tentative title na Rome.
Sinusundan nila ang sure fire formula na ginawa nila kay Kathryn, mga pelikulang abroad ang setting na naging malalaking hits. Halos umabot sa bilyon ang kinita niyong Barcelona na pinagtambalan nila ni Daniel Padilla,ganoon din ang Hello Love Goodbye na ginawa naman nila ni Alden Richards sa Hongkong.
Pero iyang kasunod niyang pelikula, ang sinasabi, ang leading men daw ay sina Piolo Pascual at Jericho Rosales, na parehong mas may edad na sa kanya. Marami na rin ang ginawang pelikula na ang setting ay sa Rome. Una na nga riyan ay ang klasikong Roma na ginawa ng director na Federico Fellini noong 70s. Tapos noong 2018, mayroon na namang isang pelikulang ang title ay Roma na ang gumawa ay si Alfonso Cuaron. Drama rin iyon. Ano kaya ang ipagagawa nilang kuwento para kay Kathryn?
Marami ang nagsasabing mukhang mas sigurado sa box office kung gagawa na lang sila ng isang love story na ang bida ay ang KathNiel.
Talaga namang si Daniel ang pinakamalakas na leading man ni Kathryn, at napatunayan na iyan sa maraming pelikulang nagawa nila, kaya nga sila sumikat nang ganyan eh.
Pero siyempre, kanya-kanyang diskarte iyan. Ang magiging kaibahan nga lang niyan ngayon ay hindi mo masasabing kagaya nang dati, may malakas na tv network na back up ng kanilang mga pelikula. Ngayon malaking bagay iyong wala silang back up ng isang malaking network, dahil wala na ngang pangkisa ang ABS-CBN, at nakiki-block time na lang sa mas mahihinang estasyon.