FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
ISANG truck driver na nagkapatong-patong hanggang umabot sa P41,000 ang halaga ng traffic penalties, ang nag-upload sa YouTube ng kanyang mga himutok laban sa no contact apprehension program o NCAP. Pero, sa kasamaang palad, kakarampot na simpatiya lang ang nakuha niya dahil na rin sa paulit-ulit niyang paglabag sa mga batas-trapiko.
Pero may katwiran naman ang kanyang argumento. Sa inilabas niyang mga resibo, makikitang nakabayad na siya ng hindi bababa sa P4,000 halaga ng multa kaugnay ng mga huli niyang paglabag, kung saan natanggap niya agad ang notices.
Nang irerehistro na niya ang kanyang truck, natuklasan niyang guilty siya sa walo pang NCAP traffic violations sa Maynila, sa mga petsang nauna pa sa mga huling notices ng paglabag na nabayaran na niya.
Aniya, kung nalaman niya lang kaagad ang tungkol sa mga nauna niyang traffic violations, naitama raw sana niya kaagad ang kanyang mga maling ginagawa bilang motorista, at nang sa gayon, hindi na raw sana niya nagawa ang mga sumunod pang paglabag.
Parang naririnig ko ang boses ng yumao nang si dating Manila mayor Alfredo Lim habang sinasabi: “Ang batas ay para sa lahat o hindi na lang ipatupad.” at “Hindi tamang idahilan ang pagiging ignorante sa batas.”
Gayonman, naghuhumiyaw ang sistematikong korupsiyon sa kasong ito. Ang agarang notification sa isang paglabag ay hindi lamang para papanagutin ang lumabag, kundi higit sa lahat, maiwasang maulit at maturuan ng disiplina ang pasaway nang hindi na niya ulitin ang naging pagkakamali.
May makatwirang argumento sa usaping ito na namamayagpag daw ang korupsiyon kung ipagpapaliban ng mga awtoridad ang proseso ng pagpaparating ng violation notices dahil nagiging dahilan lang ito para ulit-ulitin ng motorista ang kanyang paglabag kaya naman nawawalan siya ng pagkakataong maiwasan ang paulit-ulit at magastos na pagmumulta.
Ang NCAP ay isang mabuting technological tool para makakolekta ng mga datos na makatutulong sa pagresolba sa problema sa trapiko, para mabigyan ng maagap na babala ang mga motorista, para maipatupad nang patas ang batas, at para masawata ang korupsiyon sa hanay ng traffic enforcers. Subalit ang anumang progreso sa teknolohiya – kung hindi gagamitin nang tama – ay maaaring maabuso at magamit pa sa katiwalian.
Sa kasong ito, inaakusahan ko ang mga local government units (LGUs) bilang karaniwang suspek. Bakit, ‘ka n’yo? Simpleng arithmetic ang magbibigay sa inyo ng sagot.
Halimbawang pagmumultahin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista sa pinakamaliit na halagang P150 dahil sa pambabalewala sa mga traffic signs. Kasabay nito, may mga LGU na magpapataw ng P2,000 sa motoristang may kaparehong paglabag.
Sino ngayon ang niloloko ng mga LGU na tumatangging hindi nila pinakikinabangan ang NCAP na ito?
Ngayon, makikipagharap ang LGUs sa mga opisyal ng Land Transportation Office (LTO) upang pag-usapan ang mga kapalpakan sa sistema ng pagpapatupad ng NCAP para solusyonan ang mga ito, lalo na’t mistulang mas malaking sakit ito ng ulo ngayon kaysa sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila.
Umaasa tayong ang puntirya ng workshop na ito ay ang lutasin ang mga problema na malapit nang maituring na pag-abuso sa mga karapatan ng mga motorista at hindi mistulang harapan ng sindikato para sa partihan ng kanilang mga nakulimbat.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.