HATAWAN
ni Ed de Leon
NILINAW ng mga negostang Tsino sa pamamagitan ng presidente ng kanilang samahan na si Dr. Henry Lim Bon, na hindi totoo ang kuwentong pinilit sila para bumili ng mga passes sa isang pelikula at ipamigay iyon para maraming manood ng sine. Inamin niya na marami naman talaga ang lumalapit sa Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. , at kung sa tingin nila ok naman, tinutulungan nila.
Hindi niya ikinaila na may lumapit din sa kanila para sa pelikulang Maid in Malacanang, at sinabing ang proceeds naman niyon ay ipapasa sa “nutribun program” na ipatutupad sa pagbubukas ng mga eskuwelahan. Naisip nilang maganda naman ang layunin, tumulong sila. Hindi lang nila akalain na ang pamimigay nila ng tiket sa sine ay mamasamain ng iba. Maaari naman kasing tanggihan iyon kung ayaw.
In the first place, ipinamigay naman nila iyon para sa mga estudyante ng eskuwelahan na ang mag-aaral ay mga Filipino-Chinese rin.
Siyempre nabigyan iyan ng kulay, dahil ang pelikula ay may bahid ng politika, at ang mga umaangal naman diyan ay mga oposition film makers ng mga pelikulang naghingalo sa takilya, o may pelikulang hindi mailabas sa sinehan. Pero palagay din naman namin walang masama sa kanilang ginawang marketing strategy.
Iyong isang oppositor nagkaroon din naman ng pelikulang ganoon din ang marketing strategy, hindi nga lang nakalusot. Pilitan man ang panonood, walang nakinig.
Iba-iba talaga ang marketing strategy ng mga pelikula o kahit na anong palabas. Pero depende iyan kung kakagatin pa rin ng mga tao. Gaya rin iyan ng stage plays na ipinalalabas sa eskuwelahan para siguradong may audience. Bahagi ng kanilang kita ay napupunta sa eskuwelahan na siyang magbebenta ng tickets nila. ‘Di ba ganoon din iyon?