HATAWAN
ni Ed de Leon
NATATANDAAN namin noong araw, doon mismo sa isang studio ng LVN, gumagamit sila ng black backing, at isang malaking industrial fan, may malaking table na itim na roon nakadapa si Vilma Santos. Ganoon kung gawin ni Mang Tommy Marcelino ang trick shots ng palipad ni Darna.
Para mas mapaganda pa, nilagyan ng mga belt sa katawan si Ate Vi, nakabitin para nakagagalaw siya habang kunwari ay lumilipad. Pagkatapos niyon ang sakit ng katawan niya. Ganoon kahirap ang lumabas na Darna noon. Doon naman sa black backing gagamit si Mang Tommy ng stock shots ng lunsod, dahil masyado nang mahal kung gagamit pa siya ng helicopter para sa aerial shots, at doon ipapatong ang image ni Ate Vi na lumilipad. Kung minsan nakikita sa pelikula ang patong, dahil nagkakaroon ng puti. Iniisa-isa kasing burahin sa 35mm na negatibo ang dugtong at kung iisipin ninyo na mayroong 30 frames sa bawat isang segundo ng pelikula, gaano nga ba kahirap iyon?
Ngayon CGI na lang iyan, wala nang pagod. Puwede ngang gawin ang eksena nang wala ang artista. CGI nga eh. Pero ang pelikula noong Darna ni Ate Vi, pinipilahan sa sinehan, nagbabayad ang mga tao. Sa loob ng sinehan ay pumapalakpak sila sa mga eksenang bakbakan at lumalabas silang nakangiti at nagkukuwentuhan. May kasunduan pa kung kailan sila manonood ulit ng pelikula. Maibabalik pa ba nila iyon?
Ang laki ng kaibahan ng paggawa ng pelikula noon kaysa ngayon. Pero ewan kung bakit mas appreciated ng mga tao ang mga pelikula noon kaysa ngayon. Tingnan ninyo iyong mga pelikulang Anak Dalita, Biyaya ng Lupa, Badjao at marami pang iba, iyan ang itinuturing na klasikong pelikula, at wala pang CGI noon.