HATAWAN
ni Ed de Leon
MAGKAKAIBA ang marketing strategy talaga ng mga pelikula. Bawat producer na namuhunan ay gustong kumita, at sa panahong ito na talagang tagilid ang pelikulang Filipino, talagang gagawin nila ang lahat ng strategy para mapansin.
Sinasabing ang Chinese businesswoman na si Teresita Ang See, ang nagsabing kinausap umano ni Sen. Imee Marcos ang mga negosyanteng Tsinoy at pinakiusapang bumili ng tickets sa isang pelikula para iyon ay maipamigay sa mga paaralan at mapanood ng mga estudyante. Kung totoo iyon, maaaring gusto nga ng senadora na mapanood ng mga kabataan ang pelikula na sinasabi niyang “nagpapakita ng kanilang panig” doon sa EDSA Revolution, at hindi naman ang naglalaro ng mahjong lamang.
Hindi rin maikakaila na iyan ay marketing strategy para kumita ang pelikula dahil ang ganoong indie, hindi talaga basta pinapasok ng mga tao.
Ang kanila namang opposition ay isang pelikulang laban sa Martial Law. Inilabas na iyan noong nakaraang taon sa isang sinehan at nag-flop. Naisipan naman nilang ilabas ulit dahil baka sakaling mapansin na sila matapos manalo ng awards. Depende rin naman iyan sa credibility ng award giving body. Naka-slide screening sila simula ngayon sa ilang sinehan. Ang tanong, alin sa dalawang pelikula ang mas panonoorin ng mga tao?
Ewan, pero sa palagay namin, dahil pareho naman silang indie parehong mahihirapan ang dalawang pelikula sa sinehan. Siguro nga dahil sa stigma na unang nalikha ng mga naunang indie noong araw na puro tungkol sa sex, gaya rin ng inilalabas nila sa internet ngayon. Kaya basta sinabing indie, hindi talaga pinanonood sa sinehan.
Kung may nagsasabi man na iyang mga indie na lang ang magtutuloy sa industriya, wala na nga. Talagang lugmok na ang industriya habang panahon. Eh mas magagandang ‘di hamak ang palabas sa TV, libre pa.