HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGPALABAS na ang CineMalaya ng kanilang entries para sa taong ito. Walang problema iyang CineMalaya, may manood man o wala ay walang problema. Walang inaalalang sinehan iyan dahil sa Cultural Center of the Philippines (CCP) lang inilalabas ang mga iyan. Ang tickets naman sa panonood niyan ay napakamura. Mapuno man ang lahat ng screenings ng mga pelikula niyan, hindi pa rin makababawi sa puhunan.
Iyang CineMalaya, sinasabi ngang gumagawa ng pelikula para sa mga kritiko. Maski nga noong kasali pa riyan si Robbie Tan na noong panahong producer pa siya ng pelikula ay puro hits ang ginawa, hindi sila nakapagpalusot ng malaking hit sa CineMalaya.
Hindi naman problema ang mga pelikula nila. Bihira lang ang may malaking artista. May mga artista pa ngang makatulong lang, lumalabas sa pelikula nila nang libre, kagaya ng ginawa noon ni Vilma Santos doon sa Ekstra. Mga indie naman kasi iyan na talagang mababa lang ang budget kung gawin, kadalasan pa inaalalayan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) o ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa mga gastos sa pagtatapos ng mga pelikula nila.
Pero kung ganyan nga ang ating magiging sistema, kailan babangon ang industriya ng pelikula, na kailangang kumita at tangkilikin ng mga tao sa mga sinehan?
Nakalulungkot, bukas ang mga sinehan pero walang pelikulang Filipino na mapanood, dahil ang mga pelikulang ginagawa ay walang malalaking artista, at talagang sa internet lang nila ipinalalabas, para maiwasang dumaan sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) dahil mahahalay nga.
Minsan talaga dapat umupo ang mga bagong lider ng industriya at pag-usapan na ang dapat na maging kalagayan niyon. Eh kaso nga hindi pa makaupo ang mga bago dahil ayaw pang bumitaw ang mga luma.