PROMDI
ni Fernan Angeles
HINDI pa man natatapos ang unang 100 araw ng bagong Pangulo, nagbabadya agad ang isang sagupaan sa pagitan ng dalawang malapit sa puso ni Ferdinand Marcos, Jr. Ang dahilan – ayaw padaig ng Mamang Kalbo sa pagluluklok sa Department of Energy (DOE).
Giit ni Manang, hindi angkop na panatilihin sa puwesto ang mga sablay na opisyal ng naturang departamento. Pero ayon naman kay Mamang Kalbo, hindi pa naman napatunayang may sala ang rekomendado niyang mga tao.
‘Yan mismo ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, wala pang itinatalagang Kalihim sa DOE ang bagong Pangulong mistulang napapagitnaan ng mga nag-uumpugang bato.
Kung tutuusin, may katuwiran si Manang lalo pa’t rekomendasyon ng Senado sa Office of the Ombudsman na sampahan ng mga kasong kriminal at administratibo ang umano’y mga sangkot sa kuwestiyonableng Malampaya deal na sukdulang nagbigay ng 90% controlling stake sa negosyanteng higit na kilalang bagyo ang dating sa retiradong dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang sa mga inirekomenda ni Mamang Kalbo na panatilihin sa naturang departamento ang mga alipores ni dating Energy Secretary Alfonso Cusi na sina DOE officer-in-charge Undersecretary Robert Uy, Undersecretary Donato Marcos, Assistant Secretary Leonido Pulido at Assistant Secretary Gerardo Erguiza.
Oops, meron pa — Cesar Dela Fuente, Arthus Tenazas, Araceli Soluta, Guillermo Ansay, RJ Delos Santos, Thelma Cerdeña, Demujin Antiporda, at siyempre pa ang birador ni Cusi na si Melvin Matibag.
Ang siste, lahat sila may kanya-kanyang bulilyaso
Ayaw ni Manang ‘pag ganyan din lang ang itatalaga ni Dayunyor sa puwesto. Dangan naman kasi, sa halip malinis ang pangalan ng pamilya, malalagay sa kompromiso ang isinusulong na pagbabago ng kanyang kapatid na Pangulo.
At heto pa – paano lilinisin ang departamento kung mananatili sa DOE ang mga katiwaliang isiniwalat sa mga tanggapan ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC), Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), National Transmission Corporation, at Malampaya?
Maganda ang ipinamalas na pambungad ni Marcos Jr. sa pagtatalaga sa mga tunay na kalipikado. Pero sa DOE, mukhang deadma ang Memorandum Circular No. 1 na nilagdaan ni Executive Secretary Vic Rodriguez. Kasi nga naman, hindi Career Executive Service Officer (CESO) ang target panatilihin sa DOE.
E sinong kumag ba naman kasi ang umareglo sa naturang maniobra?
Nakupu, diyan na sasambulat ang galit ni Manang. Kaya naman pala nakapagsalita siya ng ganito – “Narigat nu adda ti aguinlalaeng!”
Sa Tagalog – “Mahirap kung may nagmamagaling!”