HATAWAN
ni Ed de Leon
NGAYON, talagang pinasok na ng KDR Music ni Kuya Daniel Razon ang produksiyon ng mga concert. Ang masasabi ngang unang malaki nilang venture ay iyang concert ng The Juans sa Araneta Coliseum sa Oktubre 23. Hindi naman iyan ang first time ng KDR sa Araneta. Hindi ba dati na nilang ginagawa iyan para sa tv program noong ASOP. Sa Araneta rin nila ini-launch ang album noon ni Ka Eli Soriano. Pero itong sa The Juans, iyan ang masasabing una nilang commercial venture, at kasama nila riyan ang Viva.
Iyang concert na iyan ay aasa sa pagtangkilik ng fans ng The Juans, bagama’t tiyak iyon na dudumugin pa rin iyan ng usual market ng mga KDR concert. May sarili naman silang market talaga.
Pero iyang The Juans, talaga palang malakas ang dating sa fans, at iyong isa nilang member, si RJ Cruz, ay parang matinee idol nga ang dating sa kanilang followers. May sarili siyang followers bukod sa fans ng grupo. Pogi naman kasi talaga.
Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa concert na iyan, na sa palagay namin magiging simula ng mas malalaking commercial production ng KDR.