HATAWAN
ni Ed de Leon
ABA tingnan ninyo, nakatalon na pala si Kim Chiu sa Viva at ang balita ngayon pagtatambalin sila ng boyfriend niyang si Xian Lim sa isang pelikulang isasali raw sa festival. Ibig sabihin, balak nilang maipalabas iyon sa sine. Noong 2015, nagkaroon na rin ng pelikula sa festival iyang sina Kim at Xian at hindi lang sila ang mga artista sa pelikulang iyon, pero hindi nakaabante iyon sa top grosser noon. Mahina ang pelikula.
Comedy iyan eh, at noon bang 2015 uubra kang sabayan sina Vic Sotto at Aiai delas Alas?
Ang tanungan ngayon, ano raw kaya ang magiging chances ng pelikula ni Kim at Xian sa festival, lalo na’t bihira pa ang nanonood ng sine, at hindi nga maikakaila na naging “nega” rin si Kim dahil sa mga pinagsasabi niya noong nakaraang eleksiyon?
Unang-una, siguro naman, wala sa ambisyon ng Viva na magiging top grosser sa Metro Manila Film Festivaliyang pelikula ng KimXi. Pero isang katotohanan na makagagawa sila ng pelikula na hindi masyadong malaki ang gastos, tiyak na hindi magkakaroon ng problema sa MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board), at baka dahil sa kawalan din ng ibang producers ay makapasok nga sila sa festival, at tiyak iba ang dating nila sa mga indie na isasali na rin para makabuo ng walong pelikula man lang.
Palagay namin kahit paano, alam naman ninyo sa ganyang panahon may extrang pera ang mga tao, huwag lang tayong halukayin ulit ng Covid, o magkaroon nga ng food shortage na ipinapanakot sa atin ngayon ng “lords of importation.” May manonood naman siguro sa kanila. Ang mabigat lang, mahigit na 400 na ngayon ang bayad sa sine. May magbayad kaya ng mahigit na 400 para sa isang Kim-Xian movie? Siguro naman mayroon dahil may mga fan pa rin sila. Ang tanong nga lang ay ilan kaya iyon? Malay ninyo suportahan naman si Kim ng mga “kaibigan niya” at saka maaari namang
ipa-photoshoppe ang pila sa mga sinehan para magmukhang marami hindi ba?