FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
ALAM ng mga nakatrabaho ko sa Tempo sa loob ng 29 taon kung paano ako mapapasaya sa gitna ng deadline, isang simpleng turon lang sa ibabaw ng mesa ko, sa tabi ng aking coffee mug, at solved na ako. Noong mga panahong iyon, walang kahirap-hirap na mabibili sa kabilang kalye ang aking all-time comfort food.
Ngayon, hindi maipagkakaila na ang turon na ibinebenta sa Savemore outlets ang marahil ay pinakamasarap sa presyong P20 lang. Ganito rin siguro ang nasa isip ng vlogger na si Momshie Odille nang bumili siya ng limang piraso nito ‘tsaka naglabas ng Tiktok video noong nakaraang linggo kung saan makikita siyang kinakain ang isa sa kanyang binili habang nasa kotse.
Pero ang ikinagulat ng netizens ay ang apela niya sa mga ito na bumili ng turon sa Savemore dahil kung hindi raw mauubos ang mga iyon sa loob ng isang araw, sa mga empleyado raw ibinabawas ang hindi nabentang turon. Natural lang na mag-viral ang kanyang Tiktok vlog kasabay ng dagsa ng mga pambabatikos ng netizens sa grocery chain.
Nitong weekend, naglabas ng opisyal na pahayag ang Savemore upang tugunan ang isyu: “Nais naming linawin ang maling impresyon kaugnay ng aming sangay sa Zabarte. Totoong nakakabenta ng maraming turon ang aming mga empleyado at nauubos ang mga iyon sa maghapon. Ang mga empleyado ay hindi at hindi kailangang singilin sa bawat hindi nabebentang turon. Nakipag-ugnayan na kami sa aming mga branch personnel upang iwasto ang maling impormasyong ito.”
Maliwanag na gusto lamang pahupain ng pahayag ang matinding galit ng publiko, amuin ang mga empleyado nito, at tuldukan na ang “turon issue” na nalikha ng vlog ni Momshie Odille, na habang isinusulat ito ay mayroon nang tatlong bahagi. Siguradong walang intensiyon ang vlogger na sirain ang imahen ng Savemore. Nagmamalasakit lang siya talaga para sa mga empleyado.
Sa totoo lang, hindi na kailangang untagin pa ang netizens. Ang mapang-abusong labor practice na tulad nito, na hindi naman itinanggi categorically sa opisyal na pahayag ng Savemore, ay garantisadong ikagagalit ng publiko – hindi lamang ng mga empleyado ng SM at mga suki ng SM.
Bumili ako ng turon sa isang sangay ng Savemore rito sa Quezon City nitong Linggo at tinanong ko ang cashier kung umiiral pa rin ba ang ibinunyag sa vlog ni Momshie Odille. Pabulong na sagot sa akin: “’Di na po, sir. Pero pinagagalitan kami. E, pa’nong gagawin namin kung ayaw talagang bumili ng customer?”
Gaano man kaliit ang maging bahid nito sa multi-bilyong pisong negosyo ng pinakamalaking retail empire sa bansa, responsibilidad pa rin ng pamunuan ng SM na ang mga polisiya nito ay maging pamantayan, hindi lamang ng kung ano ang naaayon sa batas, kundi ng ano ang ideyal at makatao para sa mga empleyado nito.
Sa may-ari ng malalaking negosyo: Dapat lang kayong magmalasakit sa mga manggagawang Filipino – lalo sa sarili ninyong mga empleyado – dahil ginagastos nila sa kani-kanilang pamilya ang lahat ng kanilang sinusuweldo upang ang bansang ito na may 110 milyong katao ay pagmulan ng inyong kinikita. Ang ibawas sa kanilang sahod ang nalugi sa inyong turon ay hindi ninyo ikakayaman; sa halip, magmumukha kayong mahirap sa mata ng mundo at sa kalangitan sa ibabaw niyon.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.