Back to Basic
NATURE’S HEALING
ni Fely Guy Ong
ANG bisa ng pesang Lapu-Lapu ay nagbibigay ng lakas sa ating katawan o sa mga tao na may sakit at ito ay mabilis magpahilom ng sugat lalo sa mga bagong opera at sa mga bagong panganak.
Ayon sa mga Tsino, kinikilalang nagpatanyag ng natural healing, libo-libong taon na ang nakalipas, ang Lapu-Lapu ang itinuturing na isdang may pinakamalakas ng resistensiya.
Ang pesang Lapu-Lapu ay nababagay ipakain sa mga taong mahihina ang resistensiya laban sa sakit, malalabo ang mga mata, may diperensiya sa tenga o bingi, sa babaeng bagong panganak, at sa mga pasyente na ooperahan pa lamang o kakatapos ma-operahan.
Makatutulong ang pesang Lapu-Lapu para sa madaliang pagpapagaling ng sugat o tahi ng bagong inopera at ito ay nakapagpapalakas din ng daloy ng gatas ng bagong panganak na ina.
Ipakain ang pesang Lapu-Lapu sa maysakit o bagong panganak, mga dalawa o tatlong beses sa isang linggo.
Pumili ng buhay na Lapu-Lapu na kulay itim o brown, at karaniwan ay may tuldok-tuldok na itim (dotted), hindi ‘yung pula. Kailangan buhay ang bibilhin na Lapu-Lapu dahil walang bisa kung lulutuin ito nang hindi buhay. Dapat ang iyong bibilhin ay may bigat na kalahating kilo ang isang piraso – kapag mas malaki pa riyan ay hindi na gaanong malakas ang isda.
Tandaan, ang lakas ng isda na Lapu-Lapu ang kailangan upang mapagaling at mapalakas din ang pasyente, kung kaya’t pinakamaigi ay piliin ang pinakamaliksing Lapu-Lapu sa pagbili nito.
Bago lutuin ang buhay na Lapu-Lapu, palanguyin muna sa palangganang may tubig na may asin para matanggal ang hilo ng isda sa pagbiyahe. Para hindi mahirapan sa pagluto nito ipaluto ninyo sa marunong magluto dahil itong isda na ito ay napakalakas, kahit na ito ay nasa loob na ng kaldero sa kumukulong tubig ay tumatalon-talon pa rin ang isda kaya dapat takpan itong mabuti.
Maaaring kaliskisan ang isda kung kakayanin ninyong gawin. Hindi rin dapat tanggalin ang mga laman loob at hasang.
PARAAN NG PAGLUTO:
* Magpakulo ng tubig sa kalderong malaki o mataas (para hindi agad makatalon ang isda kapag ito ay nagtatalon sa loob)
* Ihanda ang hiniwang luya. Ilagay ito sa pinakukulong tubig. Ito ang mag-aalis ng lansa sa isda.
* Kapag kumukulo na ang tubig, ihulog ang Lapu-Lapu sa loob ng kaldero. (Tandaan: malikot at malakas ang buhay na Lapu-Lapu kung kaya’t dapat ay mahigpit ang hawak dito upang huwag makahulagpos.
* Dahil sa buhay pa ang isda na iluluto, ito ay magpapalag sa loob ng kaldero – iyan ang sekreto ng bisa nito. Mapapaihi ang isda, at ang ihi niya na mapupunta sa sabaw, kasama ang katas ng kanyang laman-loob at hasang, ang magbibigay lakas at resistensiya sa inyo.
* Kapag tahimik at hindi na gumagalaw ang isda, maghiwa ng dahon ng sibuyas at ibudbod sa nilulutong Lapu-Lapu.
* Lagyan ng asin ayon sa inyong panlasa.
Kainin ang laman at higupin ang sabaw. Sa loob lamang ng ilang araw na pagkain ng pampalakas na isdang ito, tiyak ay babalik agad ang inyong lakas at kalusugan.