NADAKIP ang dalawang lalaki na nagmamaneho ng dalawang dump trucks nang maaktohang nagtatapon ng tone-toneladang putik na puno ng basura sa bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan, nitong Biyernes, 22 Abril.
Sa ulat mula kay Sta. Maria Mayor Russel “Yoyoy” Pleyto, magkatuwang na nagresponde ang mga tauhan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at Sta. Maria MPS sa reklamo kaugnay sa ilegal na pagbiyahe at pagtatapon ng putik na puno ng basura sa Sitio Sulucan 1st, Brgy. Mag-asawang Sapa, sa naturang bayan.
Huli sa akto ang mga suspek na kinilalang sina Raymark De Veyra at Mark Anthony Bayani, pawang mga driver ng dump truck at parehong residente sa Commonwealth Ave., Quezon City.
Nang imbestigahan ay walang maipakitang transport permit o iba pang dokumento ang mga suspek na galing sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno.
Dito kinompiska ng mga awtoridad ang mga minamaneho nilang dalawang 35-metric toner dump trucks na naglalaman ng tone-toneladang putik na nahahaluan ng sangkaterbang basura mula sa bayan ng Marilao, sa naturang lalawigan.
Ini-impound ang dalawang dump trucks sa Central MRF samantala ang mga suspek ay inilagay sa kustodiya ng Sta. Maria MPS habang hinihintay ang pagsasampa ng nararapat na kaso.
Samantala, nagtulong-tulong ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Sta. Maria MDRRMO na mai-flush out ang mga tone-toneladang putik at basura upang hindi makaapekto sa mga residente sa lugar. (MICKA BAUTISTA)