HATAWAN
ni Ed de Leon
NOONG araw, hindi rin siguro inisip ni Ate Vi (Congw Vilma Santos) na siya ay magiging bahagi ng kasaysayan. Lalo na nga ng kasaysayan ng lunsod ng Lipa. Pero siya ay bahagi na ngayon ng isang libro ng kasaysayan ng lunsod. Noong bisitahin namin ang kaibigang pari sa Lipa, si Rev. Fr. Dale Anthony Barretto Kho, binigyan niya kami ng kopya ng isang magandang coffee table book ng kasaysayan ng Lipa. At kasama roon si Ate Vi.
Naitala si Ate Vi sa libro bilang kauna-unahang babaeng naging mayor ng Lipa. Nasabi ring siya ang kauna-unahang congresswoman nang ang Lipa ay maging isang congressional district. Noted din sa libro ang economic programs na isinagawa ni Ate Vi bilang pinuno ng lunsod at iyon ay ang pagkakaloob ng basic human needs na siya niyang naging programa, lalo na nga ang ekonomiya at ang kalagayang pangkalusugan ng mga mamamayan.
Sinabi rin noong panahong siya ang mayor ay ipinaayos niya ang mga lansangan at iba pang infrastructure projects sa Lipa na nagpasigla ng pamumuhunan at ng ekonomiya. Sinabi rin na noong kanyang panahon pumasok sa lunsod ang mga malalaking commercial establishments kabilang na ang SM at Robinsons na nagbukas ng malls sa lunsod.
Hindi naisali sa libro, pero noong kanyang panahon nagsimula ang pagtutulungan ng gobyerno at ng simbahan. Layunin nila hindi lamang ang pagpapalakas ng pananampalataya kundi pagpapasigla rin ng turismo. Bukod sa matatagumpay na Santacruzan kung Mayo, si Ate Vi rin kasama ang noon ay arsobispo ng Lipa, si Archbishop Romeo Arguelles ay nagsimula ng fluvial procession sa Taal Lake, dala ang blessed sacrament at ang imahen ng Nuestra Senora de Caysasay sa prusisyon sa lake.
Marami talagang nagawa si Ate Vi, hindi lang sa Lipa kundi sa buong lalawigan ng Batangas noong siya naman ay maging kauna-unahan din at kaisa-isang babaeng gobernador ng lalawigan, kaya nga hindi na nakapagtataka kung siya ay maging bahagi ng kasaysayan ng nasabing lugar.
Nauna naman rito, noong nakaraang linggo, nagpalabas ang Philpost ng commemorative stamps na may picture rin si Ate Vi. Hindi na nga uso ang sulat ngayon dahil lahat ay nag-e-email na. Iyon ngang email minsan ay ini-snob na dahil may video call na. Pero iyon malagay ka sa selyo sa Koreo, aba napakalaking karangalan iyan, at tiyak dudumugin ng mga Vilmanian ang bilihan ng stamps na iyan.
Bahagi na nga ng kasaysayan si Ate Vi.