KUNG ang puntirya ng bagong tatag na Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ay tugunan ang problema sa pabahay, higit na angkop na tuldukan muna nila ang pamamayagpag ng mga sindikato sa likod ng mga pekeng pabahay.
Ang tanong – saan ba dapat simulan ang paghahanap ng mga tao sa likod ng target na sindikato?
Ang sagot – doon mismo sa Kamara kung saan binalangkas ang batas na lumikha sa nasabing ahensiya.
Ito ang kuwento ng kasong isinampa ng daan-daang pamilyang pinaasa sa programang pabahay ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na umano’y lumikom ng salaping naglalaro sa pagitan ng P150 milyon hanggang P200 milyon mula sa mga maralitang tagalungsod.
Kabilang sa mga asuntong inihain ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Grave Misconduct at Act Prejudicial to the Best Interest of the Service – ang inihain sa Office of the Ombudsman ng 500 pamilya laban kay Vargas na umano’y nangolekta ng pera sa ilalim ng programang “Palupa at Pabahay” ng naturang kongresista.