HATAWAN
ni Ed de Leon
NANAWAGAN ang dating Miss Universe contestant at nag-aartista na ngayong si Rabiya Mateo sa kung sino ang makapagtuturo sa kanya kung nasaan si Lolo Narding Flores na gusto niyang tulungan.
Si Lolo Narding iyong 80-anyos na matanda mula Asingan, Pangasinan na hinuli dahil sa bintang na pagnananakaw ng 10 kilo ng mangga. Ang kuwento niyong matanda, siya raw ang nagtanim ng puno ng manggang iyon. Pero alam naman ninyo sa probinsiya, minsan hindi sila aware sa sukat ng kanilang lupa. Dumating ang panahon na ang may-ari ng katabing lupa ay binakuran ang kanyang property, at kasama sa nabakuran ang puno ni Lolo Narding. Iyon namang matanda, dahil sinasabi niyang siya ang nagtanim ng puno, ipinakuha ang bunga at doon nagmula ang kaso. Binabayaran naman daw niyong matanda pero idinemanda na siya, hinuli at nakakulong sa presinto ng pulisya sa Asingan. Pinagpipiyansa siya ng P6,000.
Nang marinig ng mga pulis ang kuwento, naawa sila sa matanda at nag-ambagan na para mapiyansahan si Lolo, pero dahil sa Covid, nakasara ang korte kaya hindi mailagak ang kanyang piyansa. Nakakulong pa rin ang matanda.
May pampiyansa na, kaya kung tutulungan nga ni Rabiya ang matanda, ang dapat siguro ay bigyan niya iyon ng abogado. Mahirap namang lumapit sa PAO, aba iisipin ba ninyong ang namumuno roong si Persida Acosta ay hindi pala bakunado? Siguro natakot din iyan dahil sa dami ng kaso ng Dengvaxia na hinawakan niya noon, at lalong alam
niyang delikado ngayon dahil pipirma ka ng waiver at walang mananagot sa iyo ano man ang mangyari basta binakunahan ka.
Para sa kaalaman ni Rabiya, nakakulong pa si Lolo Narding at siguro nga inaalagaan naman ng mga pulis doon, pero mahalaga na si Lolo ay mabigyan ng isang mahusay na abogado. Isipin mo namang para sa 10 kilong mangga na wala pang P200 isang kilo, kailangan niyang magpiyansa ngayon ng P6,000? At piyansa lang iyan, paano kung bandang huli ay pagbayarin pa siya ng complainant ng mas malaki? Kawalan na ng hustisya iyan kaya kailangan nga ang isang mahusay na abogado na baka siyang maitulong naman ni Rabiya.