HATAWAN
ni Ed de Leon
NGAYON, maging ang mga kritiko ay nagsasabing talagang napakahusay gumawa ng desisyon si Ate Vi (Congw Vilma Santos). Iisipin mo nga bang tatalikuran niya ang politika eh kabi-kabila ang offer sa kanya na tumakbong vice president o kahit na senador lamang. Marami rin naman ang nagsasabing siguro kung tumakbo nga siyang vice president, sa line up ng mga naglalaban ngayon, kayang-kaya niyang talunin ang mga iyan.
Siguro kung tumakbo siyang senador, wala na siyang pagod. Magkampanya na lang siya sa vlog ayos na.
Pero takang-taka nga sila hanggang sa ngayon, bakit nga ba hindi tumakbo si Ate Vi?
“Sa kahit na anong career dapat sa simula pa lang alam mo na ang gagawin mo para may mangyari naman sa iyo. Hindi ka naman nakakahiya. Pero kahit pa ano ang gawin mo, o naabot mo na,isang bagay ang dapat nakahanda ka na. and that is when to quit. Hindi puwedeng nasa isang bagay ka habang panahon.
“Una, mauubusan ka rin ng idea. Darating ang panahon na hindi mo na rin alam ang gagawin mo. That is where most politicians fail. Maganda ang kanilang intentions, pero iyong implementations ng
programs ang siyang nagkakaroon ng problema, in the end napapahamak sila.
“Kasi naroroon talaga iyong tendency na parang alam na alam mo na ang gagawin mo, at doon ka nagkakamali. Kailangan sa trabaho magkaroon ka ng break. Humarap ka muna sa iba. Iba naman ang isipin mo at tiyak na mas magagandang idea pa ang magagawa mo.
“Sabi ko nga, nariyan naman si Ralph. Kung may maganda akong maisip sasabihin ko sa kanya, and I don’t deny that since he is younger, iba pa ang takbo ng isip niya. He can do things better at saka mas malawak ang experience niya kaysa akin. Siguro puwede akong politician, pero iyong ilagay mo ako sa NEDA at mag-intindi ng ekonomiya ng bansa, aba hindi ko kaya iyon. Pero nagawa niya.
“Ako naman dumating na iyong point that I think I’ve done enough. Maski siya nga nagulat kasi hindi niya alam na I have decided to quit until the day I told him. Naisip ko rin, dahil matagal akong nagpahinga bilang isang artista, ngayon naman ang dami kong ideas.
“Pero hindi ako kailangang magmadali. Pag-aaralan ko munang mabuti ang takbo ng industriya at kung paanong makababalik sa commercial theater circuits ang pelikula. Hindi ka talaga kikita kung sa internet lang eh, and you’ll end up making small movies para hindi ka malugi. Kailangan mabawi natin talaga ang mga sinehan at mangyayari lang iyon kung kumikita ang mga pelikula natin. Iyan ngayon ang pinaghahandaan ko,” sabi ni Ate Vi.