FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
MALINAW na ngayong hindi handa ang administrasyong Duterte na tugunan ang ikatlong bugso ng maramihang hawaan ng CoVid-19 sa bansa. Ito ay kahit paulit-ulit na itong nagbabala sa publiko, ilang linggo na ang nakalipas, tungkol sa mabilisang hawaan dulot ng Omicron variant, na natuklasang may 32 spike protein mutations.
Maraming beses nang ibinahagi ng Malacañang at ng mga tumutugon sa pandemya ang babala ni Health Secretary Francisco Duque III tungkol sa banta ng pinakanakahahawang variant ng CoVid-19 na nanalasa sa mundo, “Hindi ito usapin ng posibilidad na makapapasok ito sa bansa, kundi kung kailan.”
Pero ang lahat pala ng ginawang paghahanda ng gobyerno ay nakatuon sa ‘posibilidad’ na makaapekto ang Omicron sa Filipinas.
Ang dami ng mga bagong kaso sa araw-araw ay tumaas mula sa 433 hanggang 5,434 sa loob lang ng 10 araw at umabot sa 28,707 sa sumunod na pitong araw. Inaasahan na ang biglaang paglobo ng mga kaso, pero hindi lang dahil lubhang nakahahawa ang Omicron kundi dahil sa kabiguan ng mga pangunahing estratehiya laban sa pandemya – testing, contact tracing, pagkontrol sa mga hangganan ng bansa, at quarantine protocols.
Para sa contact tracing, aminado maging si DILG Secretary Eduardo Año na walang budget ang pamahalaan para sa ganitong malawakang contact tracing. Masisisi rin ang Kongreso rito sa tinapyas nitong P250 milyon sa budget para rito.
Nang umabot sa 40 porsiyento ang positivity rate at ang mga bagong kaso na naitatala sa araw-araw ay lumampas sa 10,000, hindi na kinaya ng mga testing labs ang pagsusuri sa CoVid-19 sa lampas 40,000 katao bawat araw, lalo na dahil mismong ang mga healthcare workers at lab technicians ay nagkakasakit na rin.
Kaya naman naglabas na noong nakaraang linggo ang Department of Health (DOH) ng bagong home quarantine at isolation guidelines. Ang mga mayroong sintomas o nalantad sa CoVid-positive environment ay kinakailangang agad mag-isolate o mag-quarantine sa bahay kahit hindi sumailalim man lang sa antigen test, lalo ng makapagkokompirmang RT-PCR test.
At kasabay ng pagiging kritikal ng lagay ng ating healthcare system at dagsa ng mga pasyente sa mga ospital – habang marami nang healthcare workers ang dinapuan na rin ng Omicron – maging ang pagpapagaling sa bahay ng mga nakakaranas ng sintomas ay nalagay na rin sa alanganin dahil sa kakapusan ng gamot; walang mabili kahit pa simpleng paracetamol lang.
Samantala, ang mga pagkaing magpapalakas sa ating immune system tulad ng mga gulay at prutas ay nagtataasan ang presyo sa panahong kailangang-kailangan sila ng pami-pamilyang tinamaan ng COVID-19.
Sa gitna ng lahat ng ito, iwas-pusoy pa rin ang gobyerno sa paninisi sa mga hindi pa nababakunahan kaya dumami ang hawaan; at kaagad na nagtakda ng mga pagbabawal sa kanilang mga aktibidad kasabay ng banta ng aresto, parusa, at kulong.
Sa kasalukuyan, ang libo-libong nagkakasakit ay napipilitang alagaan ang kanilang sarili sa loob ng sarili nilang pamamahay, pinapaniwala sa mga maling pahayag na kontrolado ng gobyerno ang lahat, at maayos na nakalatag ang mga ginawa nitong paghahanda at ang mga itinakdang protocols.
At habang hindi man lang nito masagot ang libreng free testing, gamot, ayuda, o kahit hospital beds para sa lahat ng nagkakasakit, nagpakonsuwelo ito gamit ang hindi kompirmadong datos na bahagya lamang ang sintomas na dala ng Omicron. Higit pa rito ang kailangan ng mga pamilyang Filipino, na karamihan ay may sakit sa ngayon!
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.