ni ED de LEON
AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa isip ko, darating ako isang araw sa opisina ng HATAW, daratnan ko siyang nagsusulat ng kanyang column, pero gaya nang dati, titigil sandali para bumati.
Lagi niyang sinasabi sa amin, “Mas ok ang hitsura mo ngayon. Mukhang mas healthy ka,” kasi alam naman niya ang marami naming iniindang sakit. Pero siguro nga kahit na anong isip pa ang gawin namin, ang totoo ay wala na siya. Iniisip na lang namin, mas masaya siya ngayon sa kanyang “first Christmas sa Holy Land.”
Siguro hindi na siya nakaririnig ng mga kantang pamaskong kinakanta ng mga paos nang carollers na dumarayo sa kanya taon-taon. Ang naririnig niya ngayon ay awitan na ng mga anghel. Hindi na siya nakatingin sa isang dekorasyong Belen, dahil nakikita na niya sa kanyang mga mata mismo ang Panginoon, si Maria at si Jose.
Siguro hindi na siya nag-iisip kung ano nga ba ng masarap na pagkain lalo na sa kanyang mga Christmas parties, kasi naroroon na siya sa lugar na wala namang kagutuman.
Pero para sa marami sa amin, ito rin ang aming first Christmas na wala na si Boss Jerry. Si Boss, malayo pa lang may plano na kung ano ang ipase-serve na pagkain sa Christmas party. Hindi lang minsan, tatlong beses pa ang raffle. Kung mayroon pang hindi nanalo sa raffle, tiyak ubos ang laman ng kanyang bulsa dahil ipara-raffle niya pati ang natitira pa niyang pera. Lahat ng tao mag-uuwiang nakangiti, kahit na hirap humanap ng mapagsasakyan ng napakaraming napanalunan sa raffle.
Hindi mo alam kung kailan matatapos ang Pasko kay Boss Jerry e. Basta dumating ang Chinese New Year, aba hindi niya makakalimutan iyan, “xian nian kuaile.” May ipamimigay na tikoy iyan, kaya naman ang mga tao sa Hataw talagang maganda ang samahan.
Itong panahon ng lockdown, ilang ulit nga ba kaming nasabihan na “may ipinabibigay na ayuda si Boss Jerry.” Aba e talo pa si Mayor, dahil mas madalas pa ang pamimigay niya ng ayuda. Sa totoo lang, wala pa kaming nakasamang publisher na ganyan.
Kaya nga parang napakahirap tanggapin ang first Christmas na wala si Boss Jerry.
Hindi lang iyan, tiyak namin maraming mga kurakot at marurumi ang kukote na hindi na natatakot ngayon. Kasi wala na si Boss Jerry na bubulabog sa kanila. Iyong iba, bulabugin man sila sa simula, ipabisita lang nila sa ilang “tatlong bayani” tatahimik na. E kay Boss Jerry magagawa ba nila iyon? Kahit ilang “bayani”ang ilatag mo sorry ka. Magpakatino ka kung ayaw mong mabulabog.
Walang pakialam si Boiss Jerry kahit na sino ka pa. Malaman niyang may katarantaduhan ka, sasabihin niya nang deretso “tarantado ka.” Sa panahong ito na kailangan natin ang mga ganyang klaseng kolumnista at saka siya natigil. Pero hindi titigil iyan. Kung nasaan man si Boss Jerry ngayon, hindi pa rin niya palalampasin ang mga tarantado sa mundo. May magagawang paraan iyan.
Si Boss Jerry ay isang taong may itinakdang misyon sa kanyang buhay, at ang paniwala namin ay hindi mapuputol iyon. Tiyak na may ipapalit siya para magpatuloy ng lahat ng kanyang nasimulan, at iyan ang hihintayin namin.
Pero sa araw mismo ng Pasko, hindi namin puwedeng kalimutan, parang may party pa rin. Magpapamisa kami para kay Boss Jerry, para sa ganoong paraan ay parang kasama pa rin namin siya, kung saan man siya naroroon. Isang bagay ang sigurado, masaya na siya kung saan siya naroroon ngayon, at walang dahilan para hindi kami maging masaya para sa kanya.
Ayokong sabihing paalam. Magkikita pa rin tayo Boss.