HATAWAN
ni Ed de Leon
MABILIS na kumilos si Angel Locsin para magpadala ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Odette, pero hindi kagaya noong dati na siya ay direct volunteer ng Red Cross, at makikita mong katulong pa siya sa pagre-repack ng relief goods sa operations center mismo niyon. O ‘di kaya siya ang nagtutungo mismo sa disaster area, ang sinasabi sa ngayon iniwan na lang niya ang tulong na gusto niyang ipahatid sa headquarters ng isang political candidate na kanyang sinusuportahan.
Panahon kasi ng eleksiyon at hindi nga yata maiwasan ang kulay ng politika sa mga tumutulong sa mga biktima ng bagyo.
Naalala nga namin,siguro kung buhay pa si Boss Jerry Yap, naging relief operations center na naman ang opisina ng Hataw at personal na naman siyang nagpapa-abot ng tulong sa mga biktima ng Odette. Pero si Boss Jerry, kaya gustong ibigay nang diretso, aba eh siguradong makararating sa dapat tulungan. Hindi mangyayari iyong nakikita mo iyong mga de latang ”white labeled” na itinitinda sa isang supermarket sa Makati, o kaya naman pinababayaang mabulok at tapos ibinabaon na lang kung bulok na.
Iyang relief operations, marami ring raket iyan.