HATAWAN
ni Ed de Leon
MAS lumakas pa raw ang bagyo habang papalapit sa lupa at ang tinamaan na naman ay iyong usual typhoon path ng bagyo sa ating bansa, pero kahit na ganoon ang sitwasyon, relaxed na relaxed lang si Mayo Richard Gomez sa Ormoc.
“Noong madaanan kami ng Yolanda, sasabihin mo mukhang iyon na ang katapusan ng lahat, pero nalusutan namin iyon kahit na paano. Hanggang noong maging mayor na ako, naghahabol pa rin kami ng ilang projects na kailangan pang tapusin para sa Yolanda victims. Ngayon maipagmamalaki naman naming nagawa na ang lahat para sa mga biktima niyon. Iyon ang pinakamalakas na bagyong tumama sa lupa, based on world records iyan. Eh kung iyon, dahil sa resiliency ng mga Filipino nalampasan natin, kaya natin iyang mga bagyo na iyan.
“Ang isa pang nagpagaan sa loob ko, simula pa noong isang linggo, Covid free na ang Ormoc. Wala na kaming may sakit. Kailangan ingat na lang talaga.
“Pero kailangan ready din. Ipinahanda ko ang mga evacuation centers at kailangan pa rin masusunod iyong protocol kahit na Covid free ang lunsod. Tapos nanawagan ako sa business community, dahil baka magsara sila ng mga tindahan at mas lalong walang mabibiling pangunahing pangangailangan ang mga tao kagaya ng pagkain, mas mahirap iyon. Ok naman sila, sumunod naman,” sabi ni Mayor Goma.
Ano naman ang assessment niya sa mga pangyayari?
“Hanggang ngayon on going pa ang assessment, narito pa rin naman ang bagyo. Baka nga bukas pa raw lumabas ng PAR, pero basta nakalipas na iyan at saka ka lang makagagawa talaga ng honest ssessment kung gaano kalaki ang naging epekto niyan sa mga tao.
“Pero maganda naman dito sa amin dahil may kanya-kanya nang trabaho ang development team. Alam na nila kung ano ang gagawin ng isa’t isa at wala namang nagpapabaya ng trabaho niya kaya hindi kami nahihirapan, hindi kagaya ng ibang lugar na lahat na lang iniaasa sa mayor.
“Sabi ko nga kay Lucy, nailatag na namin ang ground work. Sanay na ang mga tao kung ano ang kanilang gagawin, kaya hindi na siya mahihirapan kung siya na ang mayor,” patapos na pahayag ni Goma.