FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
SA KANILANG pag-amin, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong weekend, natambakan sila ng mga petisyon at mosyon kaya naman hindi magagarantiyahan ang mabilisang pag-iisyu ng mga resolusyon. Hindi naman sa walang pag-aapura ang mga komisyoner sa pagresolba ng mga kaso, ngunit bukod kasi sa mabusisi at komplikado nilang proseso, kailangan nilang makatupad sa iba pang mga deadlines.
Sa katunayan, hindi natuloy ang nakatakdang raffle nitong Biyernes para matukoy ang magiging pagkakasunod-sunod sa balota ng 165 party-list groups. Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, kinailangang itakdang muli ngayong Martes (Disyembre 14) dahil sa mga “pending incidents” na hindi bababa sa 13 party-list groups.
Nakalulungkot bigyang-diin na hindi kabilang sa mga “pending incidents” na ito ang motion for reconsideration na inihain ng Nurses United party list, na pinal nang tinanggihan ng komisyon ang pagpaparehistro.
Bagamat huli at wala nang silbi ang pagsasapubliko ng paggigiit sa pagiging lehitimo ng grupong politikal na ito para sa Filipino Nurse United (itinatag noong 2009) na may 150,000 miyembro, maliwanag na hindi ito isang nuisance organization. Sa pagsusumite pa lang ng mga kopya ng mga lisensiya mula sa PRC ng mga opisyal at kasapi nito, dapat naglaho na ang pagdududang binigyang-diin ng Comelec sa naging pasya nitong pinal nang ibasura ang pagpaparehistro ng Nurses United.
Pero hindi, pinili ng ating mga kagalang-galang na komisyoner sa Comelec na tanggihan ang grupong naglahad ng kaawa-awang sitwasyon at mga hinaing ng mga nurses at iba pang medical frontliners sa panahon ng CoVid-19 pandemic. Dahil sa nangyari, ang kanilang grupo, na kumakatawan sa marginalized sector na tinagurian ng gobyerno bilang mga bagong bayani ng pandemya, ay wala nang pagkakataong magkaroon ng kinatawan sa susunod na Kongreso.
Bakit sobrang nakadedesmaya ang nangyari para sa ating health care workers, ang daan-daang libo na hanggang ngayon ay hindi pa rin nababayaran ng kanilang allowances para sa 2020? Sa Araw ng Halalan, makikita nila sa listahan ng mga party-list groups – hindi ang grupong magbibigay-boses sana para sa kanila – ang mga tulad ng AGIMAT party-list ng pamilyang Revilla o ang MOCHA party-list ni Mocha Uson.
Ayoko sanang ipagduldulan ang punto ko, pero gusto ko sanang malaman kung ano ang dahilan ng Comelec para sabihing lehitimo ang AGIMAT – ang pagpepresinta ng anting-anting o agimat o kuwintas na yari sa puno? O ng MOCHA, na nangangahulugang Mothers for Change at ang first-ballot representatives ay si Uson at ang volleybelle na si Michele Gumabao. Mga ina na ba sila?
Sa harap ng santambak na deadlines na kinakaharap ng Comelec, maalala sana nilang umaasa ang mga botante na matino at tama ang mga nagiging pasya ng komisyon, lalo sa pagtukoy sa mga grupo mula sa iba’t ibang sektor na papasok sa pinal na listahan. Kung magkagayon, ang pagkakaantala sa panig ng mga komisyoner dahil sa mabusisi nilang mga proseso at natatanging kasipagan ay madali naman nating mauunawaan, hindi lang talaga katanggap-tanggap ang kapabayaan at kawalan ng pag-iingat.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.