Sunday , December 22 2024
PROMDI ni Fernan AngelesI
PROMDI ni Fernan Angeles

Walang dating kay Duque

PROMDI
ni Fernan Angeles

MULING lumutang ang bulung-bulungan sa pagbaba sa puwesto ni Health Secretary Francisco Duque na matagal nang ipinasisibak sa puwesto bunsod ng mahabang talaan ng bulilyasong kinasasangkutan ng kanyang departamento.

Sa lingguhang pulong ng mga Kalihim sa Palasyo, hayagang inalok ng Pangulong Rodrigo Duterte ang puwesto ni Duque kay Fr. Nicanor Austriaco ng OCTA Research Group – isang tagpong nagbunga ng mga katanungan sa tunay na estado ng Kalihim sa gabinete ng Pangulo.

Sa isinapublikong alok na puwesto kay Austriaco, posibleng pagod na ang Pangulo sa paulit-ulit na lang na pagtatanggol sa katiwalang puro bulilyaso. Nahimasmasan na nga ba ang Pangulo sa problemang idinulot ng kontrobersiyal na departamento?

Ang sagot — hindi! Sa aking sapantaha, drama lang ang eksena, isang paandar sa hangaring pahupain ang desmayadong publiko. Hindi na bago ang estilong ‘yan ng Pangulo. Katunayan, ‘yan at ‘yan lang ang kanyang ginagawa sa tuwing may tauhang nabibisto. 

Kung tutuusin magandang balita ang pag-alis ni Duque sa kagawaran. Subalit sa isang banda, hindi angkop na pababain na lang ang Kalihim nang hindi nananagot sa kapalpakan ng departamento.

Bago pa man inalok ng Pangulo ang puwesto ni Duque, naglabas ng panibagong pasabog ang Commission on Audit (COA) kaugnay ng iregularidad sa interim reimbursement mechanism (IRM) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon sa COA, malinaw na ilegal ang pagbibitaw ng halos P15 bilyong pondo ng PhilHealth sa mga pribadong ospital kahit pa sa gitna ng isang national health emergency. Hindi anila pinahihintulutan ang advance payment sa anomang pribadong kompanya hangga’t hindi pa naide-deliver ang serbisyo o supply batay sa kontratang nilagdaan sa gobyerno.

Hindi usapin kung liquidated na ang paggastos ng pondo. Ang problema, ayon sa COA, ay ang garapalang paglabag sa Presidential Decree 1445 na nagsasabing bawal ang advance payment para sa mga kontratang hindi pa tapos, maliban na lamang kung pahihintulutan ng Pangulo sa pamamagitan ng isang pirmadong dokumento, bagay na hindi nakita ng COA sa mga isinumite ng PhilHealth.

Kung tutuusin, maganda naman ang pakay ng IRM. Sa ilalim kasi ng nasabing mekanismo, may garantiya ng agarang tugon sa sandaling higit na angkop ang agarang gamutan, tulad na lamang ng mga pasyenteng tinamaan ng nakamamatay na CoVid-19.

Ang nakalulungkot, mukhang iwas-pusoy lang ang diskarte sa pagbaba ni Duque sa puwesto, lalo pa’t hindi pa natutuldukan at nalilinawan ang mga isyung kinakaharap ng sekretaryo.

Hindi biro ang kinakaharap na paratang kay Duque – mga inipit na benepisyo ng healthcare workers, overpricing sa mga medical supplies, pagbili ng mga expired na gamot, ang P15 billion scandal sa PhilHealth kung saan siya ang chairman of the board, at marami pang iba.

Sa kabila nito, makailang ulit nanindigan si Duque. Ayaw niyang bumaba sa puwesto, na pinatibay pa ng konsintidor na Palasyo. 

Ang masaklap, hindi naman talaga kombinsido ang Pangulo na malinis ang Kalihim. Ang totoo, malaki ang tinatanaw niyang utang na loob sa pamilya ni Duque na tanging kumanlong sa kanya sa Pangasinan noong kandidato pa lamang sa posisyon ng presidente ng bansa.

Sa puntong ito nagwawakas ang argumento – bihag ng utang na loob si Rodrigo Duterte. Kaya naman sa mga nagsusulong sa pagsibak o pagbibitiw ni Duque… ‘wag umasa!

Mabibigo lang kayo.

About Fernan Angeles

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …