MATABIL
ni John Fontanilla
NAGING matagumpay ang soft launching ng Aspire Magazine Philippines na nasa cover ang dancer/actor na si Klinton Start last December 11 na ginanap sa Sangkalan Restaurant, Visayas Ave., Quezon City sa pangunguna ng publisher nitong si Allen Castillo.
Nagkaroon ng mini-fashion show kasama ang ilang kids at teen models ni Allen na dinamitan ng ilan sa sikat na designers sa bansa.
Mga modelo na nangangarap na makilala sa mundo ng modelling, entertainment business, at pageants ang mga rumampa at nakapaloob sa magazine.
Nagulat ang mga entertainment press na naimbitahan dahil sa sobrang kapal at bigat ng Aspire Magazine Philippines na may 604 pahina.
Kuwento ni Allen (CEO & President ng Aspire), ”Sir John all in all 604 pages po, we want po kasi na sulit at siksik ang babasahin nila!”
Naibahagi rin ni Allen kung pano nabuo ang Aspire Magazine Philippines, ”Kasi po dahil sa depression na dulot ng pandemya, I came up with a plan kung paano hindi mamamatay ang idustriya, roon po nabuo ang ‘Aspire!’”
Ang konsepto nga ng Aspire Magazine Philippines ay ang pagbibigay parangal sa mga inspiring Pinoys na handang dumamay sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong, mga mahuhusay na Pinoy fashion designers.
At ang objective nito ay, ”To be the storyteller po of all the stories of inspiring people, the aspirants, iyong mga unsung heroe natin na hindi nakikilala ng iba, itong mga media, photographers, make-up artists, fashion designers, etc. Lagi kasi po mga artista, models lang, but this time, lahat po ng mga inspiring personalities.”
Mula sa Aspire Magazine Philippines ay magkakaroon na rin ito ng Aspire Magazine Global 2022 na ‘di na lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo na ang mabibigyang parangal sa mga taong bukas palad ang pagtulong at inspirasyon sa maraming tao.