HATAWAN!
ni Ed de Leon
KALOKOHANG sabihin na dumapa ang serye ni Heart Evangelista dahil sa pagpasok ni Sharon Cuneta sa kalaban niyong serye.
Kung titingnan ang overnight ratings noong Biyernes ng gabi, ang unang araw na napanood si Sharon na nagbigay ng support sa serye ni Coco Martin, hindi naka-score iyon sa ratings ng serye ni Heart.
Hindi mo naman masasabing nangyari iyon dahil napakalakas ni Heart. Una walang point of comparison. Si Heart ang bida sa kanyang serye. Si Sharon naman ay support lamang sa mga bidang sina Coco at Julia Montes. Ang serye ni Heart ay umeere sa isang estasyong 150kw ang power at sa halos 50 relay stations sa buong bansa. Iyong seryeng sinalihan ni Sharon umeere lamang sa ZOE Tv at sa TV5, na parehong 60kw lamang ang power. Ang Zoe may isa lamang provincial station sa Palawan. Ang TV5 naman, may sampu yatang relay stations. Kaya kung iisipin wala ring comparison sa ratings. Pareho silang dinadala ng mga cable providers, iyon pang Kapamilya Channel, hindi dinadala ng ibang cable providers sa probinsiya. Paano ka nga bang mananalo sa ganoong sitwasyon. Kaya nga maski iyong Kantar Media na taga-survey ng ABS-CBN nananahimik na muna, wala talagang mangyayari hanggang hindi sila nakakakuha ng bagong franchise at nakakapag-broadcast sa dati nilang power. Sabihin mang milyon ang nanonood sa kanila sa internet, ang pinag-uusapan ay telebisyon, hindi internet, hindi cellphone. Kaya kalokohang paglabanin ang dalawang serye dahil hindi pareho ang odds.
Nakita namin ang overnight ratings, malungkot nga siguro dahil hindi nila inaasahang ganoon ang resulta. Hindi nga naka-score ang serye ni Coco. Palagay namin ang isa pang dahilan, ang hinahanap ng tao ay isang musical-variety show para kay Sharon, iyong napapanood siyang kumakanta. Tingnan ninyo ang show niya noong araw na kumakantasiya, maganda ang resulta.
Isang taon siya nagbakasyon, at nang magbalik ginawa na lang siyang talk show host. Tapos nabigyan na rin siya ng isang serye,comedy nga lang. Pero hindi rin umangat ang mga iyon. Hindi kasi iyon ang hinahanap ng publiko kay Sharon eh. Gusto nila marinig siyang kumakanta.
Kaso mataas ang production cost ng mga musical variety shows. Wala nang gustong mamuhunan, at hindi magagawa iyon ng ABS-CBN hanggang wala silang franchise. Nakalulungkot na naapektuhan sila talaga ng political situation sa bansa, at sa palagay namin, hindi pa mababago ang sitwasyon sa 2022.