HATAWAN!
ni Ed de Leon
NANANAWAGAN si Andrew Schimmer, na gumawa rin noong araw ng ilang sexy indies. Humihingi siya ng tulong sa mga kasamahan niya sa industriya at iba pang kaibigan dahil sa kanyang asawang may sakit.
Matindi raw ang kaso niyon ng asthma, na nagkaroon na ng ibang komplikasyon. Umaabot na raw sa P3-M ang kanilang hospital bills na kailangang bayaran, at kailangan na nila ng tulong. Ang hindi maliwanag sa amin, bakit sa St. Lukes Hospital sa BGC nila ipinasok ang misis niya. Iyan ay isa sa mga ospital na may pinakamataas na singil.
Kung sabihin nga ospital ng milyonaryo iyan.
Respiratory ailment iyan, kung dinala nila ang misis niya sa Lung Center, mas sanay ang mga espesyalista roon sa ganyang kaso.
Maluwag na ang lung center dahil bumaba na ang kaso ng Covid. Bukod doon, kung nasa Lung Center sila, hindi pa sila aabot sa P1-M siguro. Pero nariyan na iyan kaya wala nang magagawa talaga. Ang problema, lahat ng tao sa industriya ay apektado rin ng pandemya, at kahit bukas na ang mga sinehan, wala pa rin halos nanonood, pilay pa ang industriya. Siguro may mga tao pa rin namang makatutulong kay Andrew. Pero iyan ay isang bagay na kailangang tandaan ng lahat. Lahat naman tayo gustong pumasok sa magandang ospital, pero ang dapat isipin natin, ano ba ang ating makakayanan? Ngayong wala nang masyadong kaso ng Covid, mas pakikinabangan na nga ang mga government hospitals na may bayad man, hindi ganoon kamahal. After all, isa sa mga tungkulin ng pamahalaan na pangalagaan ang kalusugan ng bayan at tulungan ang mga may sakit.
Kung minsan kasi parang napakahirap ipanghingi ng tulong kung sasabihin mong nasa St.Lukes BGC pa ang iyong pasyente. Kahit na iyong mga public service program sa radyo, baka mahirapang makakuha ng donors. Kasi kami man, kung may sobra kaming pera, uunahin naming tulungan ang isang mahirap na nasa PGH, kaysa isang nahihirapang magbayad sa napakalaking bills sa St.Lukes sa BGC.